Davao Oriental, niyanig ng magnitude 6.4 na lindol

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2018 08:58 PM

Watch more in iWantTFC

Niyanig ng magnitude 6.4 lindol ang Manay, Davao Oriental nitong hapon ng Sabado. 

Naramdaman ang lindol sa mga sumusunod na lugar: 

  • Intensity VI → Manay at Tarragona, Davao Oriental
  • Intensity V → Davao City, Mati City, Rosario, Agusan del Sur, at Davao Oriental 
  • Intensity IV → Koronadal City at Bislig City; Caraga, Davao Oriental; at Tagum City
  • Intensity III → Tupi, South Cotobato; Alabel, Glan, at Malapatan, Sarangani
  • Intensity II → Cotobato City, General Santos City, Valencia City, Kalilangan, San Fernando, at Maramag sa Bukidnon, Gingoog City, Misamis Oriental 
  • Intensity I → Cagayan de Oro City at Manolo Fortich, Bukidnon

 

Namataan din ang instrumental intensities sa mga sumusunod na lungsod: 

  • Intensity III - Alabel, Sarangani; Tupi, South Cotabato; Gingoog City, Misamis Oriental
  • Intensity II - Bislig City; Kidapawan City
  • Intensity I - General Santos City; Cagayan de Oro City

Namataan naman ang epicenter sa 27 kilometro timog-kanluran ng Manay, Davao Oriental. 

Agad na lumikas ang mga tao nang yumanig ang lindol. 

PINSALA, NAMATAAN SA MGA APEKTADONG LUGAR 

Bagaman wala pang naitatalang nasaktan, may ilan namang gusaling nagtamo ng pinsala.

Bumagsak naman ang isang bahay sa Islamic Center, Mati City. 

Nagbitak-bitak naman ang isang bahagi ng Ateneo de Davao University sa Davao City dulot ng lindol. 

Kuwento ng guro na si Chito de Castro, nasa ika-6 palapag sila ng gusali nang nangyari ang lindol. Narinig pa umano niya ang mga pagsabog ng mga bumbilya. 

"Simula pa lang ng lindol, malakas na talaga. Tapos nagtago kami sa lamesa. May mga sumabog rin na mga bumbilya dahil sa lakas ng lindol. Ang mga nasa shelves na libro, nahulog," aniya.

Nagsuspinde na ng klase ang nasabing unibersidad kasunod ng lindol. 

Sa kuhang retrato naman ni Darryl Dahdah Escarlan, makikitang nagbitak-bitak ang mga pader sa San Pedro Claver Parish sa Tarragona, Davao Oriental.

Sa Facebook post ng netizen na si Lyn Pang, makikita naman ang pagbagsak ng mga paninda ng isang supermarket sa ER Supermalls, Davao City. 

 

Sa 3F Fortune Mall sa Davao City, makikita ang pagyanig ng mga panindang gadget accessories ng isang stall sa mall. 

 

Inaasahan ang aftershocks matapos ang lindol.

-- May ulat nina Vina Araneta at Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.