Mga negosyo pabor, labor group tutol sa napipintong NCR granular lockdowns | ABS-CBN

Featured:
|

ADVERTISEMENT

Featured:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga negosyo pabor, labor group tutol sa napipintong NCR granular lockdowns

Mga negosyo pabor, labor group tutol sa napipintong NCR granular lockdowns

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 07, 2021 10:16 PM PHT

Clipboard

Dinaraanan ng ilang tao ang mural na gawa nina Sim Tolentino, Bryan Barrios at Moks, kung saan tampok ang mga imahe ng mga tao ngayong COVID-19 pandemya, sa mga pader ng Columban Missionaries building sa Singalong Street sa Manila noong Setyembre 06, 2021.
Dinaraanan ng ilang tao ang mural na gawa nina Sim Tolentino, Bryan Barrios at Moks, kung saan tampok ang mga imahe ng mga tao ngayong COVID-19 pandemya, sa mga pader ng Columban Missionaries building sa Singalong Street sa Manila noong Setyembre 06, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE)- Tutol ang labor groups habang pinapaboran naman ng mga grupo ng negosyante ang napipintong granular lockdown sa Kamaynilaan, na planong gawin kasabay ng pagpapatupad ng general community quarantine - ang ikalawa sa pinakamaluwag na lockdown level na ipinapatupad ng gobyerno - sa rehiyon.

Para kay Elmer Labog, chairperson ng Kilusang Mayo Uno, nangangamba silang mahihirapan ang mga manggagawa na makahanap ng lugar kung saan sila pansamantalang tutuloy dahil hindi naman lahat ng employer ay nag-aalok ng matitirhan.

May panuntunan kasi na hindi na puwedeng umuwi kapag lumabas na ng bahay ang mga authorized person outside residence o APOR.

"Hindi ka naman puwedeng mag-check in sa mga hotel diyan, pupunta ka sa bahay ng kaibigan - alam naman natin na ngayon na nanginginig na ang tao kapag bisita ang kumakatok, but that's understandable," ani Labog.

ADVERTISEMENT

"Hindi talaga 'yan magiging efficient kahit kulungin mo ang mga tao dahil marami ang daily paid workers [na] magkakaroon ng hand to mouth existence, at dahil may familiarity sa community at maraming kaibigan alam nila ang entry and exit points niyan talagang gagawan ng paraan para they could pick out a living in a day," dagdag niya.

Nakaamba ang bagong quarantine restrictions sa Kamaynilaan na may layuning tulungang makarekober ang ekonomiya sa mga naging epekto ng mahihigpit na lockdown.

Ang plano ng gobyerno, magpatupad ng GCQ na may mga alert level ang Metro Manila, na siyang magiging batayan ng mga papayagang negosyo sa rehiyon. Kasabay nito, ipapatupad ang mga granular lockdown sa mga lansangan o kaya mga village na may mga kaso ng COVID-19, imbis na magpatupad ng mga malawakang lockdown.

Gagawin sana ito nitong Miyerkoles, Setyembre 8, pero kumambiyo ang Malacanang sa desisyon dahil pinaplantsa pa rin umano hanggang nitong Martes ang mga panuntunan para sa pagpapatupad ng GCQ na may alert levels.

Una na ring nagkasundo ang mga ahensiya ng gobyerno na hindi na uubra ang mga malawakang lockdown sa Kamaynilaan.

ADVERTISEMENT

Naniniwala rin si Labog na dapat ibuhos ang pondo ng gobyerno sa seryosong contact tracing, monitoring, at mass treatment.

Ganito rin ang iginigiit ng Defend Jobs Philippines.

"Muli po ang dapat gawin na paulit-ulit, paigitingin, testing, treatment and isolation pagpapalakas ng health capacity at hindi po puro lockdown lang," anang tagapagsalita nilang si Christian Lloyd Magsoy.

MGA TRABAHADOR HATI

Hati rin ang ilang mga laborer sa ipinapanukalang granular lockdown.

Ang tindero ng chicharon na si Abeth Delgado, nalilito pa rin sa inilalabas na panuntunan.

ADVERTISEMENT

"Nakakalito po, nalilito tao, di maintindihan kung meron pang kikitain o wala na, ang gulo ng sistema," ani Delgado.

Naniniwala naman ang fish vendor na si Rod Belen na mas mainam ito. Sakali aniyang maabutan siya ng granular lockdown ay maninirahan siya sa kamag-anak.

"Tumira ka muna sa kamag-anak mo na hindi sakop nu'ng lugar na 'yon na lockdown. D'un ka tumira para makakilos ka," ani Belen.

Problemado rin ang supervisor ng fast food chain na si Christian Martin dahil malayo ang pinagtatrabahuhan sa bahay niya.

"'Yung sinasahod ko is sapat lang pang pambayad ng kuryente, ilaw, tubig tapos 'yung food para sa family tapos magre-rent pa po ako ng another ano, eh may bahay naman po ako. Eh magkano rin po 'yung renta tapos mag-stay lang ako du'n ng ilang days, 14 days, ganu'n po?" ani Martin.

ADVERTISEMENT

Nilinaw naman ng Barangay Tatalon sa Quezon City na kung galing trabaho o di kaya authorized person outside residence na uuwi sa ni-lockdown na lugar ay dapat magpresenta ng mga ebidensiya gaya ng negative swab test result o kaya APOR ID.

Apela naman ng mga barangay na tulungan sila ng gobyerno lalo't marami ang mawawalan ng trabaho.

MGA NEGOSYO PABOR

Suportado naman ng ilang negosyo ang granular lockdown.

Para kay Resto PH President Eric Teng, dapat ibalanse ito sa dagdag-suporta ng gobyerno, gaya ng pagpapatupad ng "tax holiday."

"Kung mag-granular lockdown sana balansehin ang reopening, mayroon naman po tayong mga LGU na mataas na ang vaccination rate," ani Teng.

ADVERTISEMENT

"Second po, sana kung isasara talaga kami ng government eh bigyan kami ng financial support kailangan na po natin ng business unit packages of all salon, gym and restaurant and all COVID-restricted industries kailangang balansehin in a form tax holiday man lang," dagdag niya.

Suportado rin ng salon at fitness industry ang pinag-iisipang quarantine classification pero nanawagan sila na payagan na ang bakuna bubble.

"Kahit anong gawin, ready naman kami lahat, sana lang marami sa ibang establishment and many businesses marami sa amin bakunado na rin," ani Marco Pascual ng Bruno's Barbers.

Nanawagan naman si Shyla Marquez ng Slimmer's World na ihiwalay ang kanilang negosyo sa sektor ng entertainment industry.

"Matagal na naming hinihingi na sana na i-move out kami from the entertainment because we are not entertainment. We are part of the health care solution, so we want to be part of the solution and we want to help also the Filipino people, hindi kasi fair for the fitness industry na kasama kami sa entertainment industry na hanggang ngayon hindi pa binibigyan ng chance to help out," ani Marquez.

-- May mga ulat nina Alvin Elchico at Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.