Larawan mula kay Glenn Vergara
Sinagip ng mga awtoridad ang ilang residenteng inabutan ng baha sa kanilang mga bahay sa Barangay San Isidro, Ormoc City nitong Martes.
Sinuong ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police at city rescue personnel ang lampas taong baha para ma-rescue ang mga residente, lalo na ang kababaihan, matatanda at mga bata.
Samantala, ilang residente rin sa Barangay Punta ang inilikas dahil sa bahang idinulot ng magdamag na pag-ulan.
Hatinggabi ng Lunes nang simulan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang pag-rescue sa ilang residente dahil sa pagtaas ng baha sa kanilang lugar.
Nitong Martes ng umaga, tumulong na rin ang PNP-Special Action Force sa pag-rescue sa mga residente sa iba pang mga barangay na binaha.
Sa ngayon, may mga lugar na abot hanggang baywang ang baha pero dahil patuloy ang pag-ulan, pinangangambahang tumaas pa ito.
Namigay na rin ng food packs ang lokal na pamahalaan sa mga inilikas na residente.
Larawan mula kay Glenn Vergara
Sinuspende na ng Ormoc City ang trabaho sa pamahalaan at klase sa lahat ng antas dahil sa masamang panahon na dala ng Bagyong Jolina.
Magpapatuloy naman ang trabaho ng mga security, medical at emergency response personnel. Pagdating sa pribadong sektor, depende na umano ito sa magiging pasya ng pamunuan ng mga kompanya.
Base sa weather bulletin na inilabas ng PAGASA alas-11 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo sa Dimasalang, Masbate.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kph.
KAUGNAY NA ULAT
—Ulat ni Sharon Evite
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Regional news, Region, Ormoc City, Leyte, floods, flooding, rescue, #JolinaPH, Typhoon Jolina, Jolina, typhoon, weather