Forest ranger patay sa pananaga sa Palawan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Forest ranger patay sa pananaga sa Palawan

Forest ranger patay sa pananaga sa Palawan

Arlie Cabrestante,

ABS-CBN News

Clipboard

Ikinalulungkot ng Department of Environment and Natural Resources ang pagpatay sa isang forest ranger sa El Nido, Palawan. Larawan mula sa Philippine National Police-Mimaropa

EL NIDO, Palawan – Patay ang isang forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos pagtatagain sa Sitio Kinawangan, Barangay Pasadeña, Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Bienvinido Severino Veguilla Jr., alyas "Toto", 44-anyos, at residente sa Barangay Bagong Bayan sa El Nido.

Nahuli naman ang isa sa mga suspek na si Fernan Flores, alyas Broy, habang nakatakas ang mga kasama nitong sina Carding Fulgencio, Glen Fulgencio at tatlo iba pa.

Ayon sa DENR, nagpapatrolya ang mga miyembro ng Law Enforcement Team 4 ng DENR-CENRO (City Environment and Natural Resources Office) Taytay-El Nido Office nang makatanggap ng impormasyon na may nagaganap na illegal logging sa protected area ng Barangay Pasadeña.

ADVERTISEMENT

Pinuntahan ng grupo ang lugar para berepikahin ang impormasyon at dito naaktuhan si Carding Fulgencio na nagpuputol ng puno gamit ang chainsaw.

Nakatunog ang ibang kasamahan nito at agad na nagsitakbuhan. Naiwan naman ang chainsaw, kaya binitbit na lamang ng mga tauhan ng DENR para i-dokumento sa opisina.

Pero nang paalis na ang awtoridad ay hinarang sila ng mga suspek na may bitbit na itak at homemade shotgun.

"Sila po ay nag-i-inspect ng ating mga National Greening Program then naka-encounter po sila ng nag-cha-chainsaw. So, kinumpiska po nila yung chainsaw, then sila pala ay inabangan, tinambangan pag-uwi doon malapit pa rin naman sa medyo gubat pa rin,” sabi ni Forester Eriberto Saños ng Provincial Environment and Natural Resources (PENRO).

Nakatakbo ang ilang DENR personnel pero na-corner si Veguilla at tinaga ni Flores. Napaputukan pa ni Veguilla ang suspek.

Inaresto ng PNP si Flores na nagtamo ng tama ng bala at dinala sa ospital.

Ikinalungkot naman ng DENR ang pagpaslang kay Veguilla. Magaling at masipag umano si Veguilla sa pagsugpo ng illegal logging sa bayan.

“Nalulungkot tayo kasi hindi nga lang iisang beses nangyari 'yan. Pakikidalamhati tayo doon sa mga naulila ng ating empleyado," dagdag ni Saños.

Magandang bagay rin daw na may dalang service firearm ang mga forest ranger lalo’t hindi kaila na maraming mga illegal logger sa lugar.

Sa ngayon ay may Memorandum of Agreement na ang DENR at Provincial Government na bibigyan ng service firearms ang mga forest ranger bilang pang depensa para maprotektahan din ang kanilang mga sarili.

Patungo naman ang PENRO sa El Nido at nakikipag-ugnayan din sila sa PNP. Kasalukuyan namang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mg awtoridad.

Hindi si Veguilla ang unang biktima sa pagsugpo ng illegal logging sa El Nido. Taong 2017 nang mapatay ang punong barangay ng Villa Libertad na si Ruben Arzaga matapos itong barilin ng mga nahuli nitong nagpuputol ng puno. Pinarangalan si Arzaga ng medalya ng “Bayani ng Kalikasan.”

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.