Contact tracing app na StaySafe.ph inilunsad | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Contact tracing app na StaySafe.ph inilunsad

Contact tracing app na StaySafe.ph inilunsad

Angel Movido,

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 03, 2020 06:56 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Inilunsad ngayong Huwebes ang isang COVID-19 contact tracing app na libreng maida-download sa lahat ng smartphone.

Hihingin ng app na StaySafe.ph, na dinevelop ng kompanyang Multisys Technologies Corp., ang pangalan o code name at contact number ng mga magrerehistro rito.

Nakakagawa ang app ng sariling QR code at doon na rin makikita ang health declaration record ng bawat indibidwal, base sa demo ng paggamit ng app na ipinakita ni Multisys CEO at app developer na si David Almiron.

Sa pamamagitan ng app, maiiwasan na ang paulit-ulit na pag-fill out ng mga contact tracing form tuwing pupunta sa mga establisimyento o mall.

ADVERTISEMENT

Nauna na ring idinaing ng mga may-ari ng mga establisimyento na may mga pagkakataong kulang-kulang ang impormasyong inilalagay ng mga kostumer sa contact tracing form, maging ang mano-manong pag-encode sa mga nakasulat dito.

Binusisi na rin ng mga opisyal ng gobyerno, kasama ang mga taga-Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, ang StaySafe.ph.

May bluetooth feature din ang app na magpapakita kung mayroong nasa paligid o kalapit na positibo o probable case ng COVID-19.

Makikita rin sa app ang individual log ng mga lugar na pinuntahan ng isang tao, at matitimbrehan din real time sa pamamagitan ng app ang lahat ng contacts o nakahalubilo, oras na mag-positibo ang tao sa virus.

Ayon kay Almiron, hindi rin maaaring dayain ang data sa app dahil naka-link ang database sa lahat ng COVID-19 laboratory sa Pilipinas.

Tiniyak naman ni contact tracing czar Benjamin Magalong na ligtas ang app at walang ibang personal details na hinihingi ang app na maaaring lumabag sa Data Privacy Law.

Ayon pa kay Magalong, nasa proseso na ang IATF sa pag-integrate sa app ng database ng bawat local government unit na nakapaglunsad ng kani-kanilang contact tracing app.

Bagaman hindi mandatory, hinikayat ni Magalong ang lahat na makiisa sa contact tracing sa pamamagitan ng StaySafe.ph.

Magugunitang kinuwestiyon ni dating Information and Communications Technology Undersecretary Eliseo Rio Jr. ang pagpili sa StaySafe.PH bilang official contract tracing app ng gobyerno.

Ayon kay Rio, ito raw ang naging dahilan kung bakit na-"ease out" siya sa gobyerno.

Pero pinabulaanan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga paratang ni Rio, na nagbitiw sa puwesto sa Department of Information and Communications Technology noong Pebrero.

Nauna na ring tiniyak ni Roque na maghihigpit ang gobyerno sa paggamit sa StaySafe.PH, partikular sa datos na kinokolekta nito.

"Ang function ng StaySafe.PH application ay dapat limitado sa collection ng data habang ang lahat ng collected data ay dapat i-store sa DOH COVID KAYA system," sabi noon ni Roque.

Ang COVID KAYA ang surveillance at contact tracing system ng gobyerno.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Contact tracing ng local gov'ts kailangan paigtingin

Aminado naman ang Department of Health na kailangan pa ring pagbutihin ng mga local government unit ang kanilang contact tracing.

"Nakita natin na may kaunting gaps dito sa pagpapatupad ng contact tracing kaya nag-recalibrate tayo ng ating strategy," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.

"During the time na nag-MECQ (modified enhanced community quarantine) tayo, nagkaroon tayo ng code strategy kung saan kasama ang appropriate contact tracing," ani Vergeire.

Ayon pa kay Vergeire, 37 ang target na dapat ma-contact para sa kada pasyenteng may COVID, pero hindi ito naaabot ng lahat ng LGU.

"Pero what's mosty important is what we do beyond the numbers... Did you immediately isolate them within 24 hours? Ikaw ba ay nakapag-trace pa further after noon?" ani Vergeire.

Nagpaalala rin si Vergeire sa contact tracers na kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng isang hinihinalang may COVID-19, kailangan na ring maumpisahan ang contact tracing.

Dapat ay wala ring mintis sa pag-monitor sa mga naka-isolate para malaman kung bumubuti o lumalala ang lagay ng isang pasyente.

Ngayong Huwebes, umabot na sa 228,403 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa DOH.

Sa bilang na iyon, 159,475 na ang gumaling habang 3,688 naman ang namatay dahil sa sakit.

-- May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.