PatrolPH

Pulis, 2 magsasaka tiklo buy-bust sa Tuguegarao

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2022 10:18 PM

Kuha ng PDEA Region 2
Kuha ng PDEA Region 2

Timbog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang pulis at dalawang magsasaka sa drug buy-bust operation sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Lunes ng hapon.

Ayon kay Lala Tomas, information officer ng PDEA Region 2, nangyari ang operasyon sa isang paupahang bahay sa Barangay Carig Sur bandang 1:15 ng hapon. Target ng operasyon ang dalawang magsasaka na kapwa taga-Kalinga.

“Itong dalawa, dati na itong nahuli sa Kalinga, mga plea bargainers. Pero tinuloy pa rin nila ang pagbebenta, so na-timingan nga,” sabi ni Tomas.

Nakumpiska ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang humigit-kumulang limang gramo at nagkakahalaga ng P34,000.

Narekober din ng ilang drug paraphernalia kabilang ang dalawang piraso ng rolled foil at apat na lighter.

“Kaya may rolled foil kasi nag-pot session muna sila. Kaya nagpositive itong dalawa,” ani Tomas.

Naaresto din ang ang isang 30-anyos na taga-Tabuk City, Kalinga at nakadestinong pulis sa Maynila.

“Ang sabi ng pulis, sa kaniya ‘yung sasakyan, hired lang siya ng dalawa na pumunta ng Tuguegarao. Nagpaalam lang daw sa boss niya, 2 months na pa lang hindi pumapasok dahil may balak mag-abroad, ‘yun naman ang kwento niya … Nandun din siya sa area kaya kailangan talaga siyang huliin,” ani Tomas.

Inihahanda na ang reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa mga suspek.—Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.