14 umano'y adik, tulak timbog sa buy-bust

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 08:54 AM

MAYNILA - Arestado ang 14 na hinihinalang adik at tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation na ikinasa ng Quezon City police sa Barangay Pag-asa, Martes ng hapon.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Marivic Suarez, ang umano'y tulak na siyang orihinal na target ng police operation at matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad.

Ayon kay Supt. Igmedio Bernaldez ng Masambong police station, nakabili na ng P500 halaga ng shabu ang poseur buyer kay Suarez at 3 pang drug suspect pasado alas-5:00 ng hapon.

Pero bago pa man maaresto, inalok na aniya ng mga suspek ang poseur buyer kung gusto nitong gamitin ang biniling droga sa kuwartong nagsisilbing drug den.

Sa nasabing kuwarto, natiyempuhan ng pulis ang 11 pang tao na naaktuhang gumagamit ng shabu. Nakuha sa mga suspek ang 15 sachet ng shabu, drug paraphernalia, mga cellphone at pera.

Aminado ang mga nahuli sa masamang gawain. Pero si Suarez, itinangging nagtutulak siya ng shabu, at iniutos lang sa kanya ang dala-dalang ilegal na droga.

Nahaharap ang mga suspekl sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.