Kagawad patay sa pamamaril sa Batangas City

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2020 02:33 PM

Patay ang isang kagawad matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Wawa, Batangas City noong gabi ng Lunes.

Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si Reymar Caballero, 38 anyos.

Ayon kay Police Lt. Col. Julius Anouñevo, hepe ng Batangas City Police Station, nag-park ng motorsiklo sa lumang basketball court ng barangay ang biktima ng pagbabarilin pasado alas-11 ng gabi.

Nadala sa ospital ang biktima pero idineklara ring dead on arrival.

Walang nakitang sasakyan sa lugar nang mangyari ang krimen kaya hinihinalang naglakad lang ang tumakas na salarin.

May persons of interest na umano ang pulisya sa nangyaring krimen.

Kilalang tagasuporta si Caballero sa kampanya kontra ilegal na droga ng pulisya, na isa sa mga tinitingnang anggulo kaugnay ng krimen.

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.