Tandem Lima at Logan nagpaalam na sa ere

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2020 03:33 PM | Updated as of Aug 23 2020 12:16 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Buong pasasalamat ang ipinaabot ng mag-tandem na sina Marc Logan at Vic Lima sa huling pagsasahimpapawid ng kanilang programa sa ABS-CBN Teleradyo, Sabado ng umaga.

“It’s a tornado 'yung nangyari sa ating lahat dito sa ABS because of the denial ng ating franchise. Nabago ang landscape ng aming Kapamilya network, nagkahiwa-hiwalay. Hindi po ito napakagaan para sa amin. Sabi nga nila, we won many battles before. Marami na po kaming pinagdaanan. Ang bala po ‘di namin inuurungan,” sabi ni Logan.

Marami sa nasa 11,000 manggagawa ng ABS-CBN ang nawalan ng trabaho matapos tanggihan ng House franchise committee ang aplikasyon nito para sa panibagong prangkisa para makapag-operate.

“Sabi nga nila everything must come to an end. Ito na ho 'yun. Ito na ang aming huling pagsasahimpapawid ni Marc Logan. It’s so nice working with you, sa mga tao dito,” sabi ni Lima.

Pinasalamatan ng dalawa ang hindi matatawarang pagod na ibinigay din sa kanila ng mga tao sa likod ng kanilang programa sa radyo.

“Maraming, maraming salamat sa mga naniniwala sa atin. Kung may awa ang Diyos, magkakarinigan tayo,” sabi ni Lima.

Mapapanood pa rin si Logan sa programa sa TV Patrol. Kumpiyansa naman si Lima na hindi pa dito nagtatapos ang kaniyang paglilingkod sa Pilipino.

“We will still hear each other. Anuman ang ating tadhan, nandyan po kami, ang inyong hamak na lingkod in my small capacity pipilitin ko pa ring tumindig at marinig ang aking boses sa himpapawid kung may awa ng Diyos,” sabi ni Lima.

Sa huli, bukod sa pasasalamat, nag-iwan ng mensahe ang dalawa sa publiko na manatiling ligtas lalo na sa panahon ng pandemya.

“This is Patrol No. 3, temporarily signing off,” sabi ni Lima.

“Ako naman po si kaka Marc Logan, sana mag-ingat kayo and I wish my good friend here all the best at sa kaniyang pamilya,” panghuli ni Logan.