9-buwang gulang na bata patay nang mahulog sa butas sa sahig ng bahay

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 04:44 PM

Nahulog sa isang butas sa sahig ng bahay ang bata at nagtuloy-tuloy sa dagat. RJ Rosalado, ABS-CBN News


Isang 9 na buwang gulang na sanggol ang nalunod sa coastal area ng Barangay Sangali sa Zamboanga City matapos mahulog mula sa isang bahay noong linggo.

Ayon kay Sangali Barangay Chairperson Daud Bakil, iniwan ni Carmina Dilda ang anak na natutulog sa duyan para mag-igib ng tubig noong Linggo.

Bago umalis ng bahay, inihabilin pa niya sa kaniyang nakababatang kapatid na bantayan ang bata.

Matapos ang ilang minuto ay nakabalik din agad sa kanilang bahay ang ina pero laking gulat niya nang datnang wala na sa duyan ang anak.

Nahulog na umano ang bata sa isang butas sa sahig ng bahay at dumeretso sa dagat.

“Kumuha siya tubig. Parang pagdating niya sa bahay parang nakita niya nasa baba na talaga ang bata, tapos tumakbo siya doon sa baba,” kuwento ng kapitbahay na si Adiya Mislahi.

Agad nilang dinala sa pagamutan ang bata pero wala na itong pulso nang makarating sa ospital.

“Pagdating doon ang bata wala na po talaga, sabi na lang po ng doktor, uwi na lang daw kami, dalhin na lang daw namin ang bata kasi wala na daw,” sabi ni Sylva Barrientos, isa sa mga kapitbahay na tumulong na madala sa ospital ang sanggol.

Ayon sa ilang kaanak, umalis din ng bahay ang nakababatang kapatid ng ina na napag-utusan na bantayan ang kaniyang pamangkin.

Posible umanong nagising ang bata at bumaba mula sa duyan, at habang gumagapang ito sa sahig ay aksidenteng nahulog sa butas.

Nagbigay naman ng tulong pinansyal si Bakil sa pamilya Dilda at nangako din siyang isasailalim sa counselling ang mga magulang ng bata dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matanggap ang nangyari.

Inabisuhan din niya ang mga magulang sa lugar na maging responsable at huwag iwan ang mga bata na walang kasama sa loob ng bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.