Ilang OFW, nangangambang mawalan ng trabaho dahil sa naantalang flights | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang OFW, nangangambang mawalan ng trabaho dahil sa naantalang flights

Ilang OFW, nangangambang mawalan ng trabaho dahil sa naantalang flights

ABS-CBN News

 | 

Updated Dec 26, 2019 05:14 PM PHT

Clipboard

Ilang pasaherong nakansela ang flight noong Biyernes matapos sumadsad noong Huwebes ang isang Chinese airplane sa runway ng Ninoy Aquino International Airport. David Salvan, ABS-CBN News

Nangangamba ang ilang overseas Filipino workers (OFW) na mawalan ng trabaho dahil bigo umano silang makabalik sa tamang oras sa kanilang mga employer matapos maantala ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sumadsad ang isang Chinese airplane sa main runway ng paliparan noong Huwebes, dahilan para maantala ang mga biyahe at maperwisyo ang libo-libong pasahero.

Bagaman naalis na ang eroplano at nagpatuloy na ang operasyon noong Sabado, may mga OFW pa ring nasa paliparan nitong Linggo na hindi matiyak kung kailan sila makababalik sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

Kuwento ng isang OFW sa Gate 15 ng NAIA, posibleng makulong siya kapag hindi siya nakabalik sa Saudi Arabia bago mag-expire ang kaniyang exit visa sa Lunes.

ADVERTISEMENT

"Walang ginagawang aksiyon [ang mga awtoridad], puro palit ng boarding pass. Pupunta kami sa Immigration, walang nangyayari. Halos wala pa kaming tulog," sabi ng hindi pinangalanang OFW sa radyo DZMM.

"Ayokong abutan ng exit visa, makukulong ako doon sa Saudi Arabia dahil wala akong visa," aniya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ayon naman kay Raffy De Roxas, isa ring OFW, walang katiyakan kung may babalikan pa silang trabaho ng kaniyang misis sa Italy dahil Biyernes pa dapat sila nakalipad.

"Makakarating kami ng destination pero mawawalan kami ng trabaho," ani De Roxas.

May ibang mga OFW ang nagreklamong wala umanong opisyal na nagbibigay sa kanila ng update kung kailan sila maaaring makabiyahe.

May nagsabi ring "hindi sapat" ang tubig at pagkain na ibinibigay sa kanila para matugunan ang kanilang gutom.

Hinimok naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga OFW na idulog ang kanilang mga problema sa mga tauhan ng kaniyang ahensiya na nasa paliparan.

"I have given instructions to provide all the assistance needed by our OFWs," ani Bello.

Bibigyan umano ng prayoridad ng mga airline ang mga OFW na malapit nang mag-expire ang VISA.

"We have given priorities to those whose visas are about to expire. We came up with a list that we handed over to PAL (Philippine Airlines)," ani Overseas Workers Welfare Administration Administrator Hans Cacdac.

Nanawagan naman si Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal sa mga airline na direktang magbigay ng update sa mga OFW at magbigay ng mga certificate na nagpapaliwanag kung bakit naantala ang mga flight.

"I'm sure employers will be kind enough to accept that kind of reasoning na hindi naman po kasalanan ng ating mga kababayan," sabi ni Monreal sa panayam ng DZMM.

Watch more in iWantv or TFC.tv

DISMAYADO SA AIRLINES

Inihayag din ni Monreal ang kaniyang pagkadismaya sa ilang airline sa pagtugon nila sa mga naapektuhan ng mga kanseladong flight.

"I am appealing to the airlines to be bold enough. Kung sila ang may kasalanan, tanggapin natin. Hindi naman tayo perpektong tao at ang sitwasyon natin is abnormal right now," ani Monreal.

Sa isang text statement, sinabi ng PAL na nakikipagtulungan na sila sa ibang stakeholders para maayos ang runway at passenger concerns.

Binuksan na rin ng PAL ang kanilang ticketing booths para sa mga pasaherong apektado ng mga naantalang flight.

Nasa 51 flights ang kanselado nitong Linggo.

Samantala, magpupulong sa Lunes ang mga opisyal ng MIAA at Chinese counterparts nito, kasama ang piloto ng sumadsad na eroplano, para sa imbestigasyon sa insidente.

Maghahain din ng resolusyon si Sen. Grace Poe sa Lunes para magsagawa ng pagdinig ang Senado kaugnay sa sumadsad na eroplano sa NAIA.

-- May ulat nina Henry Atuelan, Bianca Dava, at Angel Movido, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.