BACOOR, Cavite - Ipagpapaliban muna ang pagbubukas sana ngayong Martes ng Bacoor Public Market sa Cavite matapos ang isang linggong lockdown.
Sa Executive Order ni Mayor Lani Mercado, inutos niya ang extension ng lockdown o paglagay sa palengke sa Critical Zone dahil sa COVID-19.
Nagkaroon ng mass testing sa palengke kung saan 1,000 vendors at pati marshalls ang isinailalim sa COVID-19 testing, pero 53 resulta pa lang ang nailabas at may higit 900 pa ang wala pang resulta.
Dahil dito, napagdesisyunan na huwag munang buksan ang Bacoor Public Market na kilala rin bilang Zapote Market.
Sa 53 na resulta, negative naman lahat pero mas mainam aniya na 'wag na munang papasukin ang mga vendors hangga't di pa lumalabas ang iba pang resulta.
Malaking kawalan din ang pagsasara nitong malaking palengke lalo't bilihan ito ng wet at dry goods hindi lang ng taga-Bacoor, kundi maging taga-Las Piñas. Mas marami pa ang inaasahang bibili dahil GCQ na sa Miyerkoles.
Ipinagiingat din ang lahat lalo na isa ang palengke sa mga matataong lugar.
Magbubukas muli ang Zapote Market alas-5 ng umaga sa Sabado, Agosto 22.