Most wanted sa Occidental Mindoro, timbog

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2017 11:36 AM

CORON – Arestado ang isang lalaking sinasabing nasa tala ng most wanted sa Occidental Mindoro noong Martes.

Nahuli si Abing Castillo sa resort na pinagtatrabahuhan nito sa Barangay Bulalacao ng pinagsanib na puwersa ng Coron Municipal Police Station, Regional Public Safety Battalion at ng Criminal Investigation and Detection Group.
 
Si Castillo ay isa sa most wanted sa provincial level ng Occidental Mindoro.

Sa pakikipag-ugnayan ng Occidental Mindoro Provincial Police Office sa Coron police, napag-alamang 12 taon nang nagtatago sa bayan ng Coron si Castillo na nahaharap sa kasong murder.

Hindi na rin umano nanlaban si Castillo at tuluyan nang sumama sa awtoridad.

"Noong siya ay ma-identify ng ating mga operatiba at kasama doon sa trabaho, siya po'y agad na nahawakan at napaliwanag sa kaniya kung anong kasong kaniyang hinaharap sa ngayon dahil nga po may dala-dala rin tayong warrant of arrest na nanggaling pa po sa Mindoro,” paliwanag ni Inspector Starky Timbancaya.

Ayon sa Coron police, nagkakahalaga ng P90,000 ang reward sa sino mang makakahuli kay Castillo.

Dadalhin sa Provincial Police Office si Castillo para sa dokumentasyon at medical check-up. 

Nakatakda itong dalhin sa Occidental Mindoro Provincial Police Office para doon ikustodiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.