Vaccinations vs COVID-19 bumagal dahil sa mahigpit na quarantine, pagtaas ng kaso | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Vaccinations vs COVID-19 bumagal dahil sa mahigpit na quarantine, pagtaas ng kaso

Vaccinations vs COVID-19 bumagal dahil sa mahigpit na quarantine, pagtaas ng kaso

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 17, 2021 05:03 PM PHT

Clipboard

Pagbabakuna kontra COVID-19 sa Giga vaccination center sa SM MOA Galeon dome sa Pasay noong Agosto 12, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Pagbabakuna kontra COVID-19 sa Giga vaccination center sa SM MOA Galeon dome sa Pasay noong Agosto 12, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Bumagal ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa bansa nitong nagdaang linggo sa gitna ng tumataas na bilang ng nahahawahan ng sakit at mas mahigpit na quarantine restrictions.

Ayon sa datos ng gobyerno, 475,304 lang ang average na naiturok na COVID-19 vaccine doses kada araw mula August 9 hanggang 15— mas mababa kumpara sa 516,601 noong Aug. 2-8.

Ito ang ikalawang sunod na linggo na nakapagtala ng pagbagal sa pagbabakuna. Iyan ay kahit target ng gobyernong sulitin ang pagpapatupad ng mga lockdown sa ilang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng pagratsada sa vaccinations.

Paliwanag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. bukod sa pagbabakuna, abala rin ang maraming lokal na pamahalaan sa pagtugon sa tumataas na mga kaso ng COVID-19 at sa pamimigay ng ayuda sa mga apektado ng lockdown.

ADVERTISEMENT

Sa Navotas City, pansamantalang isinara ang isa sa pitong vaccination sites simula kahapon dahil may ilang personnel na nagpositibo sa COVID-19 o naging close contact.

“Nagbawas kami ng team, kasi mayroon tayong mga healthworkers na nagpositive at naging close contacts. Nabawasan ng 20 personnel ang health department,” sabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco.

“That’s minus 700 (individuals vaccinated) per day. Kasi ‘di ba ang isang site natin, minimum niyan 600 eh. Noon ngang may walk-in, 1,000 ‘yan,” dagdag niya.

Sa Marikina City, nasa sampung libo lang muna ang target bakunahan ng unang dose hanggang bukas mula sa target noong nakaraang linggo na 15,000 na indibidwal kada araw.

Paliwanag ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro, halos 20,000 na lang hindi pa nababakunahan mula sa mga nag-register online.

“Naroon na kami sa saturation point… Medyo nauubos na ‘yung mga dapat bakunahan. Lampas na kami sa 70%, sa herd immunity (for first dose vaccination). Ngayon ang natitira na lang namin doon sa eligible population baka mga 15% eh. Doon sa eligible population, ‘yung iba naman hindi rin makapagpabakuna dahil may comorbidities din na ikino-consider sila,” sabi niya.

Susunod na tututukan ng lokal na pamahalaan ang mga empleyado ng mga negosyo sa Marikina, at senior citizens na hindi pa nababakunahan.

“‘Yung mga walang access sa online registration, sila naman ngayon ‘yung pupuntahan, tututukan at magko-concentrate tayo doon. Magpapatulong sa mga barangay, sa mga association of senior citizens, establishments na narito sa Marikina na may daytime population, not necessarily residente,” sabi ni Teodoro.

Sa Las Piñas City, iniakyat sa 8,000 ang target bakunahan kada araw ngayong naka-lockdown ang Metro Manila mula sa dating 5,000. Pero may limitasyong nakikita ang City Health Office.

“Ang naging limiting namin ngayong ECQ is ‘yung supply namin ng regular vaccines, ‘yung hindi refrigerated. We have 10 sites. ‘Yung community sites natin, they’re usually using Sinovac, Astrazeneca. Marami tayong Moderna, Pfizer, but these are vaccines na ma-administer lang namin doon sa special sites. Hindi siya pwedeng i-bakuna doon sa community na mainit,” sabi ni Las Piñas City Health Office Technical Officer Dr. Juliana Gonzalez.

Sa Maynila naman, nakapako sa humigit kumulang 35,000 doses kada araw ang nababakunahan, ayon sa Manila Health Department.

“Hindi naman kami bumababa ng 35,000 (doses) in a day, which is our average. Medyo some people nga lang, because of the certain brand na ibinibigay namin, medyo nagiging choosy. Talagang naghihintay pa rin sila ng ibigay sa kanila,” sabi ni MHD Chief Dr. Arnold Pangan.

Gagamitin na rin ng lungsod bilang first dose ang nasa higit 19,000 doses ng AstraZeneca na nakalaan sana bilang second dose. Pero tiniyak naman ng national government na papalitan ito.

“Itong Sinovac na ibinigay sa amin na 232,000. ‘Yung kalahati itinabi na. ‘Yung kalahati mauubos na rin ito siguro until tomorrow. ‘Yung AstraZeneca namin na for second dose na 19,000 plus, iro-rollout na rin namin as first dose,” sabi ni Pangan.

Sa higit 42.5 million COVID-19 vaccine doses na dumating sa Pilipinas, 28.3 million ang naiturok na. Nasa 12.7 million na indibidwal na ang fully vaccinated kontra COVID sa bansa, habang 15.5 million ang partially vaccinated.

Inaasahang darating sa loob ng linggong ito ang 4 milyong dagdag na doses ng Sinovac COVID vaccine na binili ng gobyerno, 1 milyong doses ng bakunang gawa ng Sinopharm na donasyon ng China, humigit kumulang 500,000 doses ng Moderna at higit 500,000 doses ng AstraZeneca na binili ng pribadong sektor, ayon kay Galvez.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.