Tinangay ng isang lalaking pasyente ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City ang isang ambulansiya noong Agosto 15, 2021. Retrato mula sa Davao City Police Office
DAVAO CITY — Sugatan ang isang lalaking pasyente ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) matapos mabaril ng pulis nang tangayin niya ang isang ambulansiya noong Linggo.
Ayon sa Davao police, iniwan ng driver ang ambulansiya ng lokal na pamahalaan ng Bansalan, Davao del Sur para tumulong sa pagdiskarga ng pasyente sa emergency room.
Bigla umanong pumasok ang suspek — isang 31 anyos na sinasabing "mentally challenged" — sa behikulo at minaneho ito paalis ng ospital.
Umabot pa sa border checkpoint ng Task Force (TF) Davao sa Barangay Lasang ang ambulansiya at muntik tamaan ang law enforcer na pumara sa sasakyan para inspeksiyunin.
Nabaril ng sundalo ng TF Davao ang gulong ng ambulansiya pero tinamaan din ng bala ang lalaking nagmamaneho.
Nahuli ang lalaki sa national highway sa Panabo City, Davao del Norte. Isinugod siya pabalik ng SPMC at nasa mabuti nang kalagayan.
Ayon sa kinakasama ng pasyente, ang lalaking tumangay ng ambulansiya ay isang jeepney driver na "mentally challenged."
Na-discharge sa Davao Mental Hospital ang lalaki noong Agosto 9 at inilipat sa SPMC, ayon naman sa pulisya.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang gagawin sa suspek, na binabantayan ng mga pulis habang nagpapagaling sa SPMC.
— Ulat ni Hernel Tocmo
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.