Babae patay sa aksidente sa motorsiklo; 3 iba pa, sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2017 04:10 PM

PAOAY, ILOCOS NORTE- Agad binawian ng buhay ang small town lottery collector na si Edna Cinen matapos maaksidente sa Batac-Paoay Road sa Barangay Salbang sa bayan ng Paoay, Ilocos Norte noong Linggo.

Nagtamo ito ng malubhang sugat sa ulo at katawan.

Batay sa imbestigasyon, minamaneho ni Edna ang kaniyang motorsiklo sakay ang mga katrabahong sina Klein Cruz at Justin Soliven na parehong taga Vigan City nang banggain sila nang sumusunod sa kanila na motorsiklo na minaneho ng isang binatilyo.

"Nag-overtake itong motorsiklo sa isang jeep at dahil sa bilis bumangga ito sa kasunod na motorsiklo na sinakyan ng mga biktima," ani Insp. Jonevale Maramag, Deputy Chief, ng Paoay Police.

Inoobserbahan pa ang tatlo sa hospital dahil sa tinamo nilang sugat sa ulo at katawan.

"Yun isa pa lang yata ang nakapagsasalita,"dagdag pa ni Maramag.

Hindi naka-helmet ang mga mga biktima at inaalam din kung nakainom ng alak ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.