PatrolPH

Hydration pinapasama ng DOH sa diskarte kontra dengue

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 07:58 PM

Watch more on iWantTFC

Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na mahalaga ang pananatiling hydrated o sapat ang tubig sa katawan para makaiwas sa sakit na dengue.

Iminungkahi ni Duque na idagdag ang "sustained hydration" sa "4S strategy" o iyong isinusulong ng Department of Health (DOH) na mga diskarte kontra dengue.

"I might suggest that instead of the 4S, we make it the 5S, which means sustained hydration," ani Duque.

"Hydration is one of the mainstream interventions in the clinical management of dengue," dagdag ng kalihim.

Kasama sa 4S ang paghahanap at pagpuksa sa mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok (search and destory), na sanhi ng dengue, at paggawa ng mga hakbang para maprotektahan ang sarili sa mga lamok gaya ng pagsusuot ng long sleeves o paggamit ng mga mosquito repellent (self-protection).

Bahagi rin ng 4S ang maagang pagkonsulta sa mga doktor kapag nakaramdam ng mga sintomas ng dengue (seek early consultation) at pagsuporta (support) sa fogging at spraying kontra mga lamok.

Sa Tacloban City, inumpisahan na ang "5S," at tinuruan ang mga magulang kung paano gumawa ng hydration solution gamit ang asukal, asin, at maiinom na tubig.

Nagdeklara naman ng state of calamity sa Albay dahil sa dami ng tinatamaan ng sakit.

DUQUE MAY BABALA SA TAWA-TAWA CAPSULE

Nagbabala naman si Duque sa umano ay pagkalat ng mga kapsulang may tawa-tawa na pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng pasyenteng may dengue. Ito ay halamang gamot na naiulat na mabisa laban sa dengue. 

"Hanapan natin ito ng [Food and Drug Administration] certificate of product registration. Kung wala po siyang ganoon, kalimutan na po ninyo," ani Duque ukol sa herbal medicine.

Ayon pa kay Duque, bagaman mababa ang kaso ng dengue sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Association of Southeast Asian Nations, mas mataas naman ang porsiyento ng mga namamatay dito.

Mabagal daw kasi ang pagresponde ng mga magulang sa unang senyales ng sakit.

Umabot na sa 167,607 kaso ng dengue ang naitala ng DOH mula Enero hanggang Hulyo 27 ngayong taon.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.