MAYNILA—Napupuno na ang kapasidad ng mga pagamutan sa bayan ng Tanza, Cavite, para sa mga pasyente ng COVID-19 bunsod ng surge.
"Talagang lahat ay full house . . . Meron na pong [naghihintay]. Kahit 'yung emergency room naglagay na ng temporary tents nang sa ganoon ay may waiting area," ani municipal administrator John Sanariz.
Sa kasalukuyan, meron nang higit 4,000 kaso ng COVID-19 ang Tanza, aniya sa panayam sa Teleradyo Miyerkoles. Nasa 400 dito ay active cases.
Sa 3 isolation center sa bayan, nasa 112 pasyente ang nagpapagaling doon at mayroon na lang itong 8 beds na natitira.
Nitong Lunes, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang pagbabakuna matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang miyembro ng vaccination team.
Nasa 18 ang positibo sa sakit, kabilang ang 7 nurse at midwife na nagsisilbing vaccinator at 11 barangay health worker.
"According to our municipal health officer, ang tinitingnan nila dito maaari din sa vaccination area kasi meron sa ating mga nagpapa-vaccine . . . They are hiding something, example meron silang fever," ani Sanariz.
Magbabalik ulit ang vaccination sa Tanza simula Huwebes.
Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na ipagpaliban ang pagbabakuna kung sila ay may sintomas ng COVID-19 gaya ng sipon, ubo o lagnat.
Sa mga nagpositibo sa COVID-19, puwede silang magpabakuna kung sila ay fully recovered na.
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, Teleradyo, Tanza, Cavite, COVID-19, coronavirus, COVID-19 vaccination, hospitals, full capacity, Cavite COVID-19 update, John Sanariz