PatrolPH

Jeep na maghahatid ng mga dadalo sa kasal, nadisgrasya sa CamSur; 3 patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 10:39 PM

Watch more News on iWantTFC

Isang pribadong jeepney ang nahulog sa nasa 50-feet na bangin sa bulubunduking bahagi ng Brgy. San Vicente, Baao, Camarines Sur nitong Martes.

Galing sa Brgy. Caranday, maghahatid sana ang jeep, na pag-aari at minamaneho ni Baao municipal councilor Benjamin Blanquera, ng 31 pasahero sa Brgy. Masoli sa bayan ng Bato para sa kasal ng isa sa mga sakay nito.

Magkakamag-anak umano ang sakay ng jeep na mula sa mga barangay ng Caranday, Del Pilar at Sta. Teresa, ayon sa investigator-on-case na si Police Staff Sergeant Edwin Salcedo.

Bukod sa limang menor de edad, kabilang ang groom sa 28 sugatan na dinala sa iba’t ibang ospital sa Iriga City, habang kasama sa tatlong di pinalad makaligtas ang 61-anyos niyang ina.

Nahirapan ang rescuers sa pagkuha sa isa sa mga bangkay dahil naipit sa unahan ng jeepney.

Ayon kay Salcedo, overloaded ang jeep na may 32 sakay, kabilang ang driver. Ang ibang pasahero aniya ay nasa ibabaw pa nga ng sasakyan.

Pero sabi ng driver na konsehal, pumalya ang preno ng jeepney pagsapit sa accident-prone na paliko at pabulusok na bahagi ng kalsada.

Nakikipag-ugnayan na ang pamilya ng konsehal sa mga biktima para matulungan, kaya posibleng di na sila magsampa ng kaso laban dito, ayon sa pulis. - Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.