25 crew ng RoRo vessel sa Batangas, positibo sa COVID-19 | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

25 crew ng RoRo vessel sa Batangas, positibo sa COVID-19

25 crew ng RoRo vessel sa Batangas, positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Clipboard

Nag-positibo sa COVID-19 ang 25 crew ng RoRo vessel na may biyaheng Batangas-Caticlan at pagmamay-ari at pinatatakbo ng kumpanyang 2GO Travel.

Kinumpirma ito sa ABS-CBN News ni Batangas Port Manager Joselito Sinocruz.

"Yung report po sa akin, kinonfirm nga ng 2GO, dalawa lang po yung lumabas yun po yung nag-confirm eh dun nalaman na may COVID, kaya yung remaining doon sa 80 inantigen muna lahat ng nag-positive sa antigen saka RT-PCR so naging 25 lahat ang nag-positive," aniya.

Sa pagpupulong ng Provincial Inter-Agency Task Force Lunes ng umaga, idinetalye ni Dra. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer, ang mga pangyayari.

ADVERTISEMENT

Ani Ozaeta, bago bumiyahe ang barko papuntang Caticlan noong August 1, may 2 crew itong pinababa sa Batangas City para magpagamot dahil nakararanas ng sintomas ng COVID-19.

Pagkatapos nito, nakabiyahe pa papuntang Caticlan ang barko at nakapaghatid ng mga pasahero, hanggang makatanggap ng impormasyon mula sa Batangas na positibo ang 2 crew sa COVID-19.

Gabi ng Agosto 3 nang bumalik sa Batangas ang barko sakay ang higit 70 pasahero, pagkatapos nito itinigil ang barko sa Batangas Bay na sakop ng Bauan.

Noong Agosto 4, nag-request ang 2GO management sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng ambulansya para kuhanin ang 2 crew na may sintomas ng COVID-19 gaya ng kawalang ng gana sa pagkain ganoon din ng pang-amoy.

Kinabukasan pa sila nadala sa ospital at kinalaunan ay nagpositibo rin sa COVID-19.

Dahil hindi na tinanggap ang isa dahil punuan na ang ospital, idiniretso ito na sa quarantine facility.

Noong Agosto 6, nagsagawa ang isang laboratoryo ng antigen test sa lahat ng crew sa barko at 15 dito ang positibo sa virus.

Noong Agosto 7, nang isailalim ang lahat sa RT-PCR test, nasa 25 ang nag-positibo sa COVID-19.

Aminado si Governor Hermilando Mandanas na nababahala siya para sa mga pasahero, lalo at may posibilidad na nakasalamuha ang mga nagkasakit na crew.

"Maraming apektado all along the way, lalo na ngayon lumalakas itong Delta variant for sure pinag-aaralan kung anong klaseng COVID yan," ani Mandanas.

Inatasan niya ang kumpanya ng RoRo vessel na makipag-ugnayan ng mabuti sa iba't-ibang ahensya para sa agarang contact tracing.

Sa kasalukuyan, ayon sa pamunuan ng Batangas Port, nasa loob ng barko ang mga nag-positibo sa virus at naka-isolate, habang nakadaong naman ang barko sa Batangas Bay na sakop ng bayan ng Bauan.

"Pati yung bababa roon kailangan may approval bago nating padikitin dito sa pier para ibaba kung may ibaba na pasahero o tripulante," ani Sinocruz.

Nakatakda namang sumalang sa RT-PCR test ang iba pang crew sa loob ng 10 araw para malaman kung mayroong hawaan.

Sinisikap pa ng ABS-CBN News na makakuha ng opisyal na pahayag mula sa kumpanya ng barko.

Sa mensaheng ipinadala ni Mandanas, sinabing nitong unang beses na may ganitong insidenteng nangyari sa lalawigan.

Samantala, base sa huling tala ng Batangas Provincial Health Office nitong Agosto 8, may 1,766 aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Umakyat na sa 38,301 ang bilang ng nagkasakit, 1,353 ang namatay at 35,182 ang tuluyan ng gumaling.

- ulat ni Andrew Bernardo

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like youā€™re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.