PatrolPH

Pulis pinatay ng riding in tandem sa San Juan, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2022 09:50 PM

COURTESY: San Juan, Batangas PNP
COURTESY: San Juan, Batangas PNP

Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng riding in tandem sa national highway sa Barangay Calicanto, San Juan, Batangas nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Romel Mapa Panopio, nakatalaga sa Batangas Police Provincial Office.

Batay sa report ng San Juan Police, dakong alas 3:10 ng hapon nagmamaneho ng kaniyang van galing sa kanilang bahay sa Barangay Tipas, sa San Juan ang biktima. Patungo ito sa headquarters sa Batangas City nang sabayan ito ng magkaangkas sa motorsiklo at saka pinagbabaril ang biktima. 

Mabilis ding tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.

Isinugod naman sa ospital ang pulis subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga salarin.

- Ulat ni Ronilo Dagos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.