PatrolPH

Transgender woman pinatay ng umano'y nangungutang sa kaniya

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 01:15 PM

Burol ni Cindy Jones Torres, na binawian ng buhay matapos pagsasaksakin sa loob ng salon sa Guiguinto, Bulacan. Jervis Manahan, ABS-CBN News
Burol ni Cindy Jones Torres, na binawian ng buhay matapos pagsasaksakin sa loob ng salon sa Guiguinto, Bulacan. Jervis Manahan, ABS-CBN News

Patay ang isang transgender woman matapos pagsasaksakin sa loob ng kaniyang salon sa Guiguinto, Bulacan.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima bilang si Cindy Jones Torres, 39.

Napasugod noong hatinggabi ng Martes ang mga pulis sa salon ni Torres sa Barangay Tabe nang may humingi ng saklolo mula sa loob.

Mayroon kasing nagpambuno sa loob ng salon pero nakakando ang pinto nito.

Nang mabuksan ang pinto, tumambad ang biktima na tadtad ng saksak at wala nang buhay.

Nahuli naman ng mga pulis ang suspek, na inaming sinaksak niya ang biktima.

Ayon sa suspek, tinangka siyang halayin ng biktima pero itinanggi ng mga kaanak at kaibigan ng biktima ang paratang.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na matagal nang nanghihiram ng pera ang lalaki kay Torres at ito ang pinaniniwalaang dahilan ng pagpatay.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ng suspek pero tumanggi ito.

Kinondena naman ng iba't ibang organisasyon, gaya ng Pantay Pilipinas at Bulacan State University Bahaghari, ang insidente.

Umabot na anila sa 50 ang mga miyembro ng LGBTQ community na napatay sa mga hate crime simula 2010 kaya panahon na anila para ipasa ang isang anti-hate crime law.

Mahaharap sa kasong murder ang suspek.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.