Transgender woman natagpuang patay sa ilog sa Caloocan

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2020 06:16 AM | Updated as of Sep 29 2020 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Natagpuang patay at palutang-lutang sa ilog sa Barangay 176 sa Caloocan City ang isang transgender woman na kinilalang si Donna Nierra.

Kuwento ng kaniyang tatay na si Ricky Nierra, nagpaalam umalis ng bahay si Donna noong Sabado pero hindi na siya nakauwi pa.

Lunes ng umaga, biglang dumating ang mga kaibigan ng biktima para sabihin sa pamilya na nakita si Donna na palutang lutang sa ilog.

Sumugod ang pamilya sa ilog at nakumpirma na si Donna nga ang biktima.

Dalawampu't tatlong taong gulang si Donna at pangatlo sa anim na magkakapatid.

Wala naman umanong alam ang pamilya na nakakaalitan ni Donna.

Wala rin silang hinala kung ano ang motibo sa pagpaslang.

Pero ayon sa kapatid niyang si Mae Ann, posibleng taga roon lang din sa kanila ang salarin.

Iniimbestigahan pa ng Caloocan Police ang insidente.

Wala pang suspek sa pagpatay.

Patuloy na humihiling ng hustisya ang mga kaanak ni Donna dahil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.