P204,000 halaga ng hinihinalang shabu, narekober sa 'notoryus na tulak'

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2017 07:57 PM

Arestado ang umano'y nagsu-supply ng shabu sa mga drug personality sa Cavite nitong Biyernes ng hapon.

Ikinasa ng General Trias Police ang buy-bust operation laban kay Leopoldo Loyola Sr., alas-3 ng hapon nitong Biyernes. 

Makikita sa kuha ng dash cam na walang kamalay-malay si Loyola na pulis na pala ang kausap niya. Nang malaman ito, sinubukan pa nitong kumawala.

Pero makikita rin sa video na pinadadapa na si Loyola at hindi na nakatakas pa.

Narekober kay Loyola ang may 120 grams ng hinihinalang shabu na may street value na P204,000.

Bukod sa pagtutulak ng droga, sinusuplayan din umano ni Loyola ang iba pang drug personality sa Cavite. Kabilang umano sa mga sinusuplayan ni Loyola ng shabu ang Rosario, Tanza, Noveleta, at Cavite City.

Itinanggi naman ni Loyola ang paratang at sinabing napag-utusan lamang siya. Hindi rin aniya alam kung magkano ito dahil karpintero lamang daw siya.

Sasampahan si Loyola ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.