Lalaki binaril habang natutulog sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2020 01:10 PM

Pinoproseso ng Scene of the Crime Operatives ang lugar at ang biktima na binaril habang natutulog sa terrace ng kanilang bahay sa bayan ng Gandara sa Samar. Larawan mula sa Gandara Police


Patay ang isang lalaki matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang natutulog sa bayan ng Gandara sa Samar, Martes ng madaling araw.

Sa impormasyon mula sa Samar Police Provincial Office, nakilala ang biktima na si Glenn Reyes, isang sidecar driver.

Ayon sa pulisya, pasado ala-1 ng madaling araw naganap ang pamamaril pero alas-6 ng umaga lamang naipaalam ng kapatid ng biktima ang krimen sa awtoridad.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-inuman ang biktima at mga kamag-anak nito Lunes ng gabi.

Binaril ang biktima ng hindi pa kilalang salarin habang natutulog ito sa terrace ng kanilang bahay.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Gandara Police para malaman ang motibo at kung sino ang nasa likod sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.