10 talking Mynah, na-rescue sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2018 09:43 AM

Nakumpiska mula sa isang lalaki ang 10 talking Mynah sa Barangay Sumbiling sa bayan ng Bataraza sa Palawan. Larawan mula sa Philippine National Police 2nd Special Operations Unit-Maritime Group

BATARAZA, Palawan – Sampung talking Mynah ang nasagip ng awtoridad mula sa isang lalaki sa isinagawang security patrol and wildfire enforcement operation sa Sitio Culandanum sa Barangay Sumbiling.

Naabutan ng awtoridad si Robin Lamane na nagpapakain ng mga buhay-ilang na inaalagaan nito.

Posible umanong ibebenta ni Lamane ang mga ibon na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9147 o Philippine Wildlife Act.

Nasa kustodiya na ng Brooke's Point pulisya si Lamane.

Samantala, 550 board feet ng good lumber ang nasabat din ng Philippine National Police Maritime Group sa Barangay Rio Tuba sa nasabi ding bayan.

Nakasilid ito sa isang Nissan coaster na pagmamay-ari ni Cyrus Castigador. Hinuli ito kasama sina Mario Añite at Jhomar Rañiego.

Wala raw mga dokumento ang pagputol at pagbiyahe ng nasabing mga kahoy.

Maaari umanong ibibiyahe ang mga kahoy na posibleng pinutol umano sa southern Palawan.

Inilagay na sa kustodiya ng PNP Maritime detachment sa Bataraza ang mga nakumpiskang kahoy habang sinampahan na ng kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Philippines ang mga nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.