PatrolPH

Lolang nagnakaw ng mga de-lata, tsokolate sa convenience store sa Makati tiklo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 05:57 PM

MAYNILA — Nakakulong ngayon sa Makati Police Station ang isang 60 anyos na babae matapos mahuling nagnakaw ng pagkain at pabango sa isang convenience store sa Salcedo Village, Barangay Bel-Air, Makati City nooong Miyerkules. 

Ayon sa manager ng tindahan, alas-4 ng hapon Miyerkoles ay napansin niya si alyas "Geli" sa security camera na biglang umalis nang hindi nagbabayad sa kaniyang mga kinuha. 

Nang mahabol ang lola, doon tumambad sa kanila ang mga ninakaw nito na 5 lata ng imported na luncheon meat, 14 piraso ng imported na tsokolate, at 3 bote ng body spray.

Nagkakahalaga lahat ito ng P2,577. 

Ayon sa hepe ng Makati Police na si Police Col. Oscar Jacildo, taga-Barangay Olympia sa Makati ang senior citizen. 

Depensa ni Geli, kahirapan ang nagdala sa kanya na magnakaw, pero ayon kay Jacildo posibleng iba ang tunay na rason dahil sa dami at uri ng mga ninakaw na item. 

Kasong theft o shoplifting ang inihahanda na isampang kaso laban sa lola.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.