Relief goods, ipinamahagi sa mga nasalanta ng baha sa El Nido

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2018 06:42 PM

EL NIDO, Palawan -- Namahagi ng relief goods sa mga pamilyang apektado ng pagbaha sa bayang ito Linggo.

Nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang 623 na mga pamilyang nag-evacuate matapos na masalanta ng baha.

Kinumpirma ito ni Rene Jay de la Calzada, ang administrator ng bayan ng El Nido.

Aniya, unti-unti nang humuhupa ang baha at nadadaanan na ang ilang mga kalsada, maliban sa Barangay Mabini.

Hindi pa rin mapasok ng sasakyan ang Barangay Mabini dahil sa nasirang daanan. Kinakailangan ding magpalipad ng chopper ang Armed Forces of the Philippines para maihatid ang relief goods sa mahigit 100 pamilya sa lugar.

Nagpapatuloy naman ang relief operation sa 10 pang barangay. Nasa 1,794 na ang pamilyang naitalang apektado ayon sa tala ngayong Linggo.

Ayon kay De la Calzada, hygiene kits, relief goods gaya ng bigas, de lata at noodles ang pangunahing kailangan ng mga nasalanta.

Patuloy din ang pagdating ng tulong mula sa iba't ibang sektor, mga grupo at indibidwal kabilang na ang mga dayuhan.

Samantala, nagdeklara na ng state of calamity ang bayan pero ito ay sa pag-uusap pa lamang ng mga opisyal ng bayan dahil wala pang dokumento.

"In principle. 'Pag sinabing in principle, napag-usapan, dumaan sa meeting pero wala pa 'yung final document. Pag sinabi kasing declaration, dapat may signed document na tayo from the Sangguniang Bayan at the same time approved by the mayor," ani De la Calzada.

Kinakailangan rin umanong dumaan sa pagsusuri at assessment bago makapagdeklara ng state of calamity sa bayan.

"Dapat mayroon tayong assessment in terms of health situation, titingnan din natin ang infrastracture, government and public utilities, titingnan din natin ang livelihood and, titingnan din natin sa welfare side na trabaho ng MSWD. So, kino-compile pa po namin lahat ng documents na ito to prove na kailangan natin ang state of calamity for El Nido," dagdag ni De la Calzada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.