Nasa 15 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa Barangay 62, Cavite City, Hulyo 26, 2021. Lady Vicencio, ABS-CBN News
Sa kabila ng mga pag-ulan, 3 magkakahiwalay na sunog ang sumiklab sa Cavite City, Muntinlupa, at Quezon City nitong nakalipas na magdamag.
Sa Barangay 62, Cavite City, nilamon ng apoy bandang hatinggabi ng Lunes ang residential area sa Barangay 62, kung saan 15 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Umabot sa ika-4 na alarma ang sunog, na nangangahulugang kinailangang rumesponde ng 15 hanggang 20 fire truck.
Pansamantalang tumutuloy sa isang elementary school ang mga nasunugang pamilya, na karamiha'y halos wala nang naisalbang gamit.
Nabigyan na ng kaunting ayudang pinansiyal at pagkain ang mga nasunugan.
Sa Muntinlupa City, 6 na pamilya ang nawalan ng tirahan at nananawagan ng tulong matapos ang sunog sa Barangay Cupang nitong madaling araw ng Lunes.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog.
Isang bahay naman sa Yale Street, Barangay E. Rodriguez ang nirespondehan ng Quezon City Fire Department matapos masunog ang 2 kuwarto roon.
Agad nagising ang may-ari nang mapansing umaapoy ang bintana kaya nakalikas din ang iba pang mga kasama sa bahay.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
— Ulat nina Lady Vicencio at Jervis Manahan, ABS-CBN News
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, sunog, Cavite City, Muntinlupa, Quezon City, Bureau of Fire Protection