'Presyo ng gulay di tataas sa kabila ng magkakasunod na ulan, baha'

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 12:51 PM

Tiniyak ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa Nueva Ecija na di gagalaw ang presyo ng bigas at gulay sa merkado sa kabila ng tinatayang P200 milyong pinsala sa mga produktong agrikultura matapos ang sunod-sunod na ulan at baha. 

Paniguro ng OPA, hindi magkakaroon ng kakulangan ng suplay ang probinsya at makakapag-angkat pa naman sila sa mga karatig-lalawigan at sa Metro Manila. 

Ang mga nasira raw kasing mga pananim ay halos nagsisimula pa lamang sumibol kaya puwede pang maihabol sa harvest period kung makakapagtanim kaagad ang mga magsasaka.

Tiniyak ng OPA na may stock ng mga binhi na ipamamahagi sa mga magsasaka. 

Marami ang nag-aalala dahil ang Nueva Ecija — na binansagang "rice granary of the Philippines" — ang isa sa pinakamalaking nag-aangkat ng bigas sa Region 3 at Metro Manila. 

Nasa P180 milyon ang halaga ng napinsala sa agrikultura sa buong Nueva Ecija sa ngayon pero inaasahang lalaki pa ito lalo't hindi pa nakakapagpasa ng report ang ibang bayan.

Sabi ng OPA, aabot ng isang buwan bago matuyo ang mga nababad na taniman at makapagtanim muli ang mga magsasaka. 

May mga nakahanda naman daw silang programang tutulong sa mga magsasaka.

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.