ALAMIN: Mga isyung tampok sa #SONA2017

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2017 11:36 PM | Updated as of Jul 25 2017 01:58 AM

Binigyang diin sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ang mga isyu tungkol sa pagmimina, rebelyon, independent foreign policy, at ang pagbabalik ng death penalty kontra ilegal na droga at kriminalidad.

Tumagal nang dalawang oras at 10 minuto ang ikalawang SONA ni Duterte na pinalakpakan ng 73 beses.

Duterte, hiniling ang death penalty vs. ilegal na droga, kriminalidad

Hiniling ng Pangulo sa Kongreso na aksiyonan ang mga panukalang batas na may kinalaman sa pagbabalik ng 'death penalty' bilang parusa sa mga karumaldumal na krimeng iniuugnay sa ilegal na droga.

"Capital punishment is not only about deterrence, but also retribution," ani Duterte.

Ginawang halimbawa ni Duterte ang nangyari sa isang mag-anak na pinaslang at ang ilang miyembro'y ginahasa pa. Maaaring tinutukoy niya ang pagmasaker ng limang miyembro ng pamilya Carlos sa Bulacan. Naunang umaming gumagamit ng ilegal na droga ang pangunahing suspek sa krimen; bumawi ito matapos ang ilang araw at sinabing na-torture siya kaya inako ang krimen. 

Ayon kay Duterte, kung ganitong may pinaslang nang mag-anak, bakit hinahanap pa ang 'human rights' at 'due process' para sa mga nasa likod ng krimen?

"I value human life, the way I value mine," ani Duterte. "But if you harm the children, in whose hands the future of this country rests... I will hound you to the very gates of hell."

Hindi rin titigil, aniya, ang kampanya kontra droga hangga't hindi ito tuluyang nasusupil.

"To the critics of the fight [against drugs]... educate your people to the evils of illegal drugs."

Hinanap pa ni Duterte ang kinatawan ng United Nations na aniya'y nagsabing walang epekto sa utak ang paggamit ng ilegal na droga.

Tinanong din ni Duterte kung may kredibilidad at moralidad si Sen. Leila de Lima na ngayo'y nakakulong dahil sa umano'y koneksiyon sa drug trade sa Bilibid.

Dating inimbestigahan ni De Lima, noong siya'y pinuno pa ng Commission on Human Rights, si Duterte noong ito ay mayor ng Davao City kaugnay sa tinaguriang 'Davao Death Squad' na itinuturo sa mga pagpatay sa mga iniuugnay sa krimen at ilegal na droga sa lungsod. 

Handa rin siyang makulong, ani Duterte, basta magawa niya ang gusto niya laban sa kriminalidad. Dagdag pa ng Pangulo, hindi siya natatakot sa reklamong inihain sa kaniya sa International Criminal Court.

---

Balangiga bells, pinababalik ni Duterte mula sa Amerika

Tila sinariwa naman ni Pangulong Duterte ang mga sugat ng nakaraan nang talakayin niya sa SONA ang Balangiga massacre noong 1901 kung kailan maraming Pilipino ang nasawi sa kamay ng mga nakalabang Amerikano.

May hiling si Duterte sa Amerika.

"That is why I say today, give us back those Balangiga bells, they are ours, they belong to the Philippines, they are part of our national heritage... Isauli naman ninyo, masakit iyon sa amin," ani Duterte.

Nagpahaging din si Duterte sa kapapalit lang na liderato sa Amerika.

Aniya, noong panahon ni dating US President Barack Obama, may tauhan daw iyon na ipinaabot kay Duterte ang tila pagkadismaya sa kaniyang pamamahala.

Pero nang makausap naman ni Duterte si US President Donald Trump, sinabihan siya ng kasalukuyang presidente ng Amerika na "you're doing it right."

---

Pagmiminang sumira sa kalikasan, pinagbabayad ni Duterte

Tinalakay ng Pangulong Duterte kung gaano katindi ang epekto ng pagmimina sa likas na yaman ng bansa.

Binanggit pa ni Duterte ang episode kamakailan ng "Failon Ngayon" na nagkaroon ng malalimang pagtalakay sa mga nasirang sakahan at iba pang pinagkukuhanan ng kabuhayan ng mga residente dahil sa pagmimina.

Inalok pa nga ng Pangulo ang mga dumalo sa kaniyang SONA na personal na bisitahin ang mga lugar na pininsala ng pagmimina tulad ng isang ilog na nagkulay itim na umano.

Kaya naman pinapipili ni Duterte ng resolusyon ang mining companies: gumastos para sa rehabilitasyon ng pinagminahan, o kaya'y magbuwis nang malaki.

"Hindi ko kayo [mining companies] kalaban, as a matter of fact, you give government P70 billion, pero actually maliit lang 'yan," ani Duterte. 

"Spend to restore the virginity of their [mining] source or I will tax you to death," hamon niya. 

Hinamon niya rin ang mining companies na magdeklara ng tamang income at buwis kung ayaw nilang habulin sila ng gobyerno.

---

Duterte, ayaw na talagang makipag-usap sa mga komunista

"Kayong mga Left, I will not talk to you, why should I?" birada ni Pangulong Duterte sa kaniyang SONA.

Inisa-isa pa ng Pangulo ang mga insidente ng pag-atake ng mga rebelde, kabilang na ang pananambang kamakailan sa convoy ng Presidential Security Group sa North Cotabato.

Ayon din kay Duterte, dati naman niyang kaibigan ang National Democratic Front ni Joma Sison, pero mukhang nagbago ang ihip ng hangin dahil umano marami nang napatay na pulis at sibilyan ang mga rebelde.

"Bully daw ako... talagang bully ako... especially to the enemies of state," tirada ni Duterte. "Sumobra kayo, ikaw [Joma] Sison, tang... Mag-inom ka ng Tang orange, matanda ka na."

Dagdag pa ni Duterte, may colon cancer na umano si Sison. Pinabulaanan ito ni Sison sa ipinaabot na mensahe sa media. 

Tanong pa ng Pangulo sa mga rebelde, talaga raw bang inaakala ng mga rebelde na magkakaroon sila ng posisyon sa liderato ng Isis kung magtagumpay ang mga terorista sa pagkubkob? 

---

Martial law sa Mindanao, dinepensahan

Dalawang araw matapos aprubahan ng Kongreso ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao, naging laman din ng SONA ang sitwasyon sa Marawi. 

"I declared martial law in Mindanao because I believed that was the fastest way to quell the rebellion," paliwanag ni Pangulong Duterte.

Iginiit din ng Pangulo na hindi lang sa Marawi mayroong rebelyon, matagal na umanong problema ito sa Mindanao.

Kasabay nito, nanawagan din ng tulong si Duterte para sa mga taga-Marawi.

"The people of Marawi need help... they have been through hell... we need to help them," pakiusap ni Duterte.

Tiniyak din ng Pangulo na suportado niya ang mga sundalo.

"To the military, never fear, do your duty, I stand behind you, so does the government and its agencies."

Katunayan, pinapapaspasan ni Duterte ang paglalagay ng mga bagong gamit medikal sa AFP Medical Center na noong nakaraang taon pa aniya pinabili.

Hirit pa ni Duterte kay Health Sec. Paulyn Ubial, siguruhin nitong magkakaroon na ng medical equipment ang ospital kung ayaw niyang maalis sa puwesto bilang kalihim.

---

'Kayo ang employer namin'

Malinaw din ang mandato ni Pangulong Duterte kontra sa korupsiyon sa mga transaksiyon sa gobyerno.

Binalikan niya kung paano sinibak ang isang kalihim dahil sa umano'y maanomalyang pagbili ng fire trucks na nagkakahalaga ng $18 milyon mula sa Austria.

Nitong Abril, sinibak si Department of Interior and Local Government Sec. Ismael Sueno dahil sa sinasabing alegasyon.

Sabi ni Duterte, walang puwang ang korupsiyon sa kaniyang administrasyon at hinimok niya pa ang publiko na magsumbong sa hotline 8888 ng mga mahuhuling kurakot na opisyal.

"We are all workers of government, kayo ang employer namin," ani Duterte sa taumbayan.

Kasabay nito, hiniling ni Duterte sa Kongreso na repasuhin ang 'procurement law' o ang proseso para makakuha ng contractor o supplier ang gobyerno para sa mga proyekto nito.

Ayon kay Duterte, hindi dapat laging naibibigay ang proyekto sa 'lowest bidder' dahil hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang korupsiyon ang ganitong transaksiyon. Hindi rin umano makatitiyak sa kalidad ng isu-supply na gamit ng 'lowest bidder'.

---

Pampublikong kalusugan, pinagtuunan

Binanggit din ng Pangulong Duterte ang milyon-milyong halaga ng gamot na di magamit mula nang ibaba ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) sa 'reproductive health' law.

'Bane of existence' o balakid kung ituring ng Pangulo ang TRO na dahilan daw sa mga naudlot na proyektong magtitiyak sana sa responsableng pagpapamilya.

"I am not for abortion, I am not for birth control, but I am for giving freedom to Filipinos to decide the size of their family," sabi ni Duterte.

Ibinida rin ni Duterte ang pagpapalawig ng health coverage para masaklaw ang pinakamahihirap sa lipunan. 

"Kapag nagpa-ospital kayo, ako magbayad," ani Pangulo. "Sabi ni Duterte 'pagamot kami, siya raw bahala magbayad."

Ipinagmalaki rin ni Duterte ang nationwide smoking ban na sinimulang ipatupad nitong Linggo, Hulyo 23.

Kuwento ni Duterte, nagkasakit siya dahil sa paninigarilyo kaya gusto niyang mailayo sa bisyong ito ang publiko, lalo na iyong secondhand smokers o ang mga nakakalanghap lang ng usok mula sa mga nagyoyosi.

---

Tulong ng Tsina, ibinida

Ayon kay Pangulong Duterte, nagbigay ng pera ang Tsina, 'free of charge' para makapagpatayo ng mga tulay.

Inaasahang maiibsan nito, kahit papaano, ang matinding trapiko sa Kamaynilaan.

Magpapatuloy din daw ang clearing operations para maalis ang mga balakid sa mga kalsadang para lang dapat sa mga motorista.

Hiniling din ni Duterte sa mga opisyal na gumamit na lang ng mga ordinaryong plaka at matutong sumunod sa batas trapiko. Huwag daw sanang hayaan ng mga opisyal ng gobyerno na iparada ang kanilang sasakyan sa mga lugar na hindi dapat paradahan.

Magkakaroon din ng mga bagong paliparan ang bansa, at maaaring tumulong din ulit ang Tsina para maipatayo ito.

Muling binigyang diin ni Duterte ang 'Build, Build, Build' program ng kaniyang administrasyong na layong magtulak sa Pilipinas sa 'Golden Age of Infrastructure'. 

---

Reporma sa buwis, inihabilin sa Senado

Pinuri ni Pangulong Duterte ang Kamara para sa pagpasa nito sa isa sa mga hiniling niyang panukalang batas na reporma sa buwis.

Kaya naman hiling ng Pangulo sa Senado, bilisan na rin ang pagpasa sa pantapat nitong bersiyon ng tax reform bill.

Ibinida rin ni Duterte ang paghabol ng Department of Finance at Bureau of Internal Revenue sa tax evaders na nagpapakitang seryoso ang gobyerno sa paghabol sa mga nandadaya sa buwis. 

Aniya, pinakamalaki ngayon sa kasaysayan ng bansa ang P25 bilyon 'tax settlement' ng Mighty Corporation dahil sa pagtakas nito sa pagbabayad umano ng tamang buwis noon.

Ayon kay Duterte, dapat lalong maghigpit sa pangongolekta ng buwis dahil gagamitin ito sa rehabilitasyon ng Marawi at Leyte na pininsala naman ng lindol.

---

Pagtataya sa unang taon ng panunungkulan

Sinabi ni Pangulong Duterte na bumaba ang bilang ng out-of-school youth sa unang taon ng kaniyang panunungkulan. Nabigyang ayudang pang-edukasyon daw kasi ang mga hikahos na estudyante at napaganda rin ang kalidad ng edukasyon mula nang ipatupad ang K-12 program.

Target ding dalhin ang libreng internet sa mas marami pang pampublikong lugar.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang 'Salam TV' na kauna-unahang Muslim TV broadcast sa bansa. 

Ipapasa rin ni Duterte ang national budget ngayong araw.

Nangako ang Pangulo na maglalabas ng mas detalyadong report sa bayan.

Sa huli, iniwan ni Duterte sa husga ng bayan kung ano ang iniwang marka ng kaniyang unang taon bilang Pangulo.

"Whether or not my first year was a year of gains or a year of setbacks is not for me to say but for the people to judge. I defer to the people's judgment," ani Duterte. "Let us work together and lay a new foundation upon which a better Philippines can be reconstructed. Help me build a better tomorrow."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.