200 pamilya sa Basilan, nakatanggap ng tulong-medikal | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

200 pamilya sa Basilan, nakatanggap ng tulong-medikal

200 pamilya sa Basilan, nakatanggap ng tulong-medikal

RJ Rosalado,

ABS-CBN News

Clipboard

Mahigit 200 pamilya ang nakatanggap ng tulong-medikal sa Basilan.

Nakatanggap ng tulong-medikal ang higit 200 pamilya sa Sitio Haluluko Island, Barangay Tambulik Buton, Basilan.

Lumikas lamang sila papunta sa isla mula sa Barangay Pisak-Pisak, Tabuan Lasa, Basilan dahil sa rido o away ng mga pamilya.

Dahil sa layo ng isla, hindi ito naaabot ng tulong mula sa gobyerno. Kaya naisipan ng 14th Special Forces company sa Basilan na magsagawa ng medical outreach.

Sinuportahan naman ito ng Save the Children of War Basilan kasama ang ilang mga volunteer doctor at dentist na nagbigay ng libreng medical checkup, gamot at pagbunot ng sirang ngipin.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Dr. Arlyn Jumao-as ng Save the Children of War Basilan, karamihan sa mga batang lumaki sa isla ng Haluluko ay hindi na nakapag-aral simula’t sapul.

Wala kasing paaralan sa isla at humigit isang oras din ang biyahe sa pinakamalapit na paaralan sa ibang barangay.

Malaki rin ang problema ng komunidad sa kalusugan, dahil mataas ang bilang ng mga malnourished na bata.

Ayon pa kay Jumao-as, ang nakikita niyang long-term solution sa problema ay maayos ang hidwaan ng ilang mga pamilya para makabalik na sila sa Barangay Pisak-Pisak.

Ayon naman kay Captain Exequel Panti, commanding officer ng 14th Special Forces Company, tumutulong na sila para kausapin ang magkabilang panig at matuldukan na ang ilang taon nang hidwaan.

Nakikipag-ugnayan din sila sa provincial government ng Basilan at ilang Muslim religious leaders para manguna sa isasagawang dialogue sa mga pamilya.

Ayon kay Supiyan Haris, barangay chairman ng Pisak-Pisak, nagsimula ang away ng ilang pamilya sa kanilang barangay noong 2001 dahil sa hindi pagkakaintindihan ng ilang kabataan sa larong basketball.

Lumaki nang husto ang girian hanggang sa nadamay na ang mga magulang at ilang kamag-anak.

Umabot na rin sa punto na nagpatayan na ang magkakaaway na pamilya.

Ito rin ang naging dahilan kung bakit lumikas ang humigit 200 pamilya sa barangay papunta sa Sitio Haluluko Island.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.