Para sa veteran cameraman, usaping retrenchment matindi pa sa pinagdaanang mga peligro sa trabaho | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Para sa veteran cameraman, usaping retrenchment matindi pa sa pinagdaanang mga peligro sa trabaho

Para sa veteran cameraman, usaping retrenchment matindi pa sa pinagdaanang mga peligro sa trabaho

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 18, 2020 10:58 PM PHT

Clipboard

MAYNILA – Sa lahat ng sinuong na panganib para gampanan ang trabaho sa loob nang tatlong dekada, ang usapin hinggil sa retrenchment ang pinakamahirap tanggapin para sa beteranong cameraman ng ABS-CBN na si Val Cuenca.

“So far ito yung pinakamahirap sa lahat. Sabi ko nga sa’yo nag-cover tayo kung saan-saan, ito mahirap kasi pamilya, buhay ng mga kasamahan mo pinag-uusapan,” sabi ni Cuenca.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pahayag ni Cuenca, iba ang bigat na dalahin kapag ang usapin ay may kaugnay sa pamilya.

“Ang masakit pa, pagbali-baligtarin man talaga, wala naman kaming kasalanan, wala kaming na-violate ba’t mo pinahihirapan kami” saad niya.

ADVERTISEMENT

Higit sa 11,000 manggagawa sa Kapamilya network ang mawawalan na ng trabaho sa Agosto 31 matapos ibasura ng House Committee on Legislative Franchises ang hiling nitong prangkisa sa kabila ng paulit-ulit na pagpapaliwanag ng management ng kumpanya at maging ng mga regulatory body ng gobyerno na naaayon at walang paglabag ang ABS-CBN.

Taong 1989 nagsimula sa ABS-CBN si Cuenca hanggang sa maging head na siya ng camera operations ng news.

“Mahirap magbigay ng pangalan pag yung sa retrenchment, pag yun ang pag-uusapan. Papaano mo sasabihin sa mga kasamahan mo? Dito naman tayo sa ABS, pag nagtrabaho kumpare, kaibigan, pamilya. Ganun tayo magtrato so ang hirap, paano mo sasabihin sa mga tao mo,” kuwento ni Cuenca.

Siya pa naman umano ang tipong hindi nagme-memo sa mga tao at mas ugali niyang kausapin sila kung may problema.

“Ang hirap, papaano mo sasabihin sa tao na part ka ng taong tatanggalin sa ABS,” saad niya.

Dagdag ni Cuenca na anim pa lamang ang kaniyang nakakausap hinggil sa retrenchment sa kumpanya.

“Ang hirap magpaliwanag kasi di mo maderetso…ni isa man lang sa kanila walang nagalit sa kumpanya. Walang nagalit sa samahan bakit sila napili…'Bakit ako?' walang nagtanong. Ang laging sabi nila, 'Bakit ginanon tayo ng goyerno?” sabi niya.

Laking pasalamat niya na hanggang sa huli ay lumaban ang ABS-CBN.

"For so many years naman talaga trinato tayo ng ABS na kapamilya. Hindi tayo bibitaw, hihintayin nating bumalik ang ABS-CBN," sabi niya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Para naman kay DJ Ella Bonita, o Shamira Pasil, ng MOR 98.7 Zamboanga, dadalhin niya ang mahahalagang turo ng ABS-CBN sa bawat Kapamilya.

“Ako po ay super proud at grateful na parte ako ng pamilyang ito na forever ko siyang ipagmamalaki kahit saan po ako mapunta. Yung learnings, values na natutunan ko bilang isang Kapamilya always kong ipagmamalaki,” sabi ni Pasil.

Para sa kaniya, iba ang values na itinuturo ng Kapamilya network.

“Kahit na ganito sitwasyon, hindi tayo tinuruan na maging masama sa iba. Hindi tayo tinuruan na maging madamot bagkus tinuruan tayo kung paano mag-share at yun talaga ang forever ko pong babaunin, yung learnings, values na tinuro po ng ABS-CBN sa akin,” sabi niya.

Ang MOR sa buong Pilipinas ay hanggang sa Agosto 31 na lamang ang operasyon.

“Gusto kong i-take itong opportunity na magpasalamat sa management, sa mga boss na natitiwala sa aming hanggang ngayon at maraming salamat at ipinaglaban ninyo kaming lahat,” banggit pa niya.

Sa loob nang 16-taon niya sa ABS-CBN, hindi lubusang maisip ni Pasil na sa ganitong paraan magtatapos ang kaniyang serbisyo.

“Kami sa MOR hindi lang nag-e-entertain through our music. Pumupunta kami sa mga bara-barangay talaga, nagpoprograma kami doon, namimigay kami kung anong puwede naming iabot sa ating mga kapamilya tapos every month yung public service activity ng radio nand'yan po,” ayon sa kaniya.

Ito rin aniya ang rason kung bakit siya nagtagal sa kumpanya.

“Iba po kasi yung behind the scene na ginagawa namin pagpunta natin sa Kapamilya pag may kaganapan nandoon po tayo kaagad to the rescue. Yun po ang rason kung bakit ako tumagal," sabi niya.

Malaki naman ang paniwala niya na hindi ito ang tuluyang pagkawala ng MOR.

"Malakas ang hope namin sa MOR Philippines na one day magkakasama-sama tayong lahat," dagdag niya.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.