Mga hindi nagsusuot ng face mask hinuhuli pa rin sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 08:39 AM

Mga hindi nagsusuot ng face mask hinuhuli pa rin sa Maynila 1
Hinuli ng Manila Police District ang mga residenteng lumalabag sa pagsusuot ng face mask. Larawan mula sa Manila Police District

MAYNILA - Tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng Manila Police District para masiguro na sumusunod sa mga ordinansa ang mga residente ng lungsod, kasama ang patungkol sa paggamit ng face mask kapag lumalabas ng bahay.

Ayon kay MPD Spokesperson, Lieutenant Colonel Carlo Manuel, 20 mga tao na hindi nakasuot ng face mask habang naglalakad ang hinuli sa Sta. Mesa, Ermita at Sampaloc. 

May ibang operasyon rin sa ibang lugar. 

Bukod sa hindi pagssuuot ng face mask, sinagip din ang ilang menor de edad na nasa labas ng bahay at walang kasamang magulang o guardian.

Bawal ang minors sa labas ng bahay dahil sa banta ng COVID-19. Higit 20 ang nasagip sa Sta. Ana, Sta. Mesa, Malate, Tondo at iba pang lugar sa Maynila. 

Nagpapaalala naman si Mayor Isko Moreno na mananagot ang mga magulang kung mapababayaan ang mga anak nila sa labas ng bahay.