Sinimulan na ang pamamahagi ng naantalang P3,000 cash assistance para sa mga public school students sa Pasay City.
Noong Huwebes nagsimula ang bigayan ng cash aid na nagpapatuloy ngayong araw sa Padre Burgos Elementary School, Juan Sumulong Elementary School, Don Carlos Elementary School, at President Corazon Aquino High School.
Ang cash assistance ay hindi bahagi ng pondo para sa COVID-19 response ng LGU; taunan daw itong nagbibigay ng financial support sa mga estudyante, at nagkataon lang na may health crisis ngayon.
Para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso ang naturang financial aid.
Nasa 7,000 ang kabuuang benepisyaryo sa mga nabanggit na eskwelahan.
Iaanunsyo pa ng LGU kung kailan ang bigayan sa mga estudyante sa ibang eskwelahan.
Mga magulang o guardian lang ng estudyante ang puwedeng magpunta sa eskwelahan para kumuha ng pera, at mahigpit na ipinatutupad ang health protocols sa mga eskwelahan.
Samantala, naglabas ng memorandum ang Office of the Schools Division ng Department of Education sa Pasay kaugnay ng disinfection at sanitation ngayong araw sa lahat ng opisina sa dibisyon bilang bahagi ng pag-iwas sa COVID-19.
-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Pasay City, DZMM, cash assistance, cash assistance Pasay City, public school cash assistance