Mas mahinang baga, atay? Ilang posibleng long-term effects ng COVID-19 inaaral

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa ilang pag-aaral ng mga dalubhasa sa ibang bansa, lumalabas na may epekto ang COVID-19 sa kondisyon ng mga taong gumaling kalaunan sa naturang sakit.

Halatang nangayayat at bumagsak ang katawan ni Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) director Dr. Corazon Flores tatlong buwan mula nang mapagtagumpayan niya ang pakikipaglaban sa COVID-19. 
    
Hindi na nagtataka si Flores nang dapuan ng virus lalo’t madalas siyang mag-ikot sa mga komunidad para tingnan ang lagay ng mga ito sa gitna ng pandemya. 

Pakiramdam niya ngayon, nanumbalik na ang kaniyang lakas at wala namang naging pagbabago sa kaniyang paghinga o tibok ng puso. 

"Wala naman akong nakikitang pagbabago... Balik na ako sa dati kong energy level kaya lang siyempre I’m taking good care of myself," ani Flores. 

Pero sa ilang pag-aaral, lumalabas na posibleng magkaroon ng long term effects ang COVID-19 sa isang taong gumaling na. 
    
Sa ilang pag-aaral, nakitang ang ilang gumaling sa COVID-19 ay mas humina ang baga, puso at atay. 

Ayon din sa tagapagsalita ng DOH, bagama't may mga ganito nang reports mula sa ibang bansa, wala pang malakawang pag-aaral tungkol dito. 

"I saw articles from other countries [na] may long term effects. Pero dito sa atin, wala naman tayong nakikita. Of course tinututukan yan ng DOH. Tinitingnan din 'yung experiences ng mga naka-recover," ani DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire. 

Sa ngayon, 90.6 percent sa mga may COVID-19 ay mild ang kondisyon pero meron pa ring maliit na porsiyento ng mga severe at kritikal ang lagay.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.