2 patay, 4 sugatan sa aksidente sa Cebu

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2018 11:31 AM

Dead on the spot ang dalawang pasahero ng tricycle matapos salpukin ng kasalubong na mini bus sa bayan ng Compostela sa Cebu. Larawan mula kay Mercedette Toling


COMPOSTELA, Cebu – Dalawa ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng isang tricycle at dalawang mini bus sa Barangay Magay sa bayang ito, Sabado ng umaga.

Dead on the spot sina Eje Rose Halipa at Mary Grace Tali. Isinugod naman sa pagamutan sina Wellaflor Mollena, Evangeline Davidon, Sherry Mae Moreno at driver ng tricycle na si Michael Francisco.

Papasok sana sa trabaho ang limang sakay ng tricycle nang bigla itong mabundol ng nakasalubong na nag-overtake na mini bus na papunta sanang Cebu City, alas-5 ng umaga.

Sa lakas ng pagkabundol, tumilapon ang dalawang pasahero ng tricycle at nasagasaan pa ang mga ito ng isa pang kasunod na mini bus. 

Ayon sa imbestigasyon ng Compostela Traffic Commission, mabilis ang takbo ng unang mini bus. Nayupi rin ang harapang bahagi mg mini bus at ng tricycle. 

Nakakulong na ngayon ang nagmamaneho ng dalawang mini bus habang ihinahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa kanila

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.