BALIKAN: Tatlong dekada ng DZMM | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

BALIKAN: Tatlong dekada ng DZMM

BALIKAN: Tatlong dekada ng DZMM

ABS-CBN News

Clipboard

Tatlumpung taon na ang nakararaan nang malansag ang rehimeng Marcos sa pamamagitan ng EDSA Revolution.

Kasunod nito, ibinalik ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang dalawang estasyon ng radyo ng ABS-CBN. Isa rito ang DWWW na kilala ngayon bilang DZMM.

Una sa Balita

Unang narinig sa ere si Tiya Dely Magpayo mula sa Chronicle Building sa Pasig noong 1986.

Hulyo ng taon ding iyon, sinundan siya ni Noli de Castro sa programang 'Kapangyarihan ng Mamamayan, Balita at Talakayan (Kabayan).'

ADVERTISEMENT

Nagbago naman ang mukha ng pagbo-broadcast sa radyo nang makasama sa DZMM si Ted Failon noong 1990 sa programang ‘Gising Pilipinas.’

Sa loob ng 30 taon, naging bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas ang DZMM at pinatunayan nga nito na ito ay 'una sa balita' sa pamamagitan ng paghahatid ng mga malalaking pangyayari sa bansa.

Disyembre ng 1987 nang lumubog ang MV Doña Paz na kumitil ng higit 4,000 buhay. Kasabay ng trahedyang ito ay naghatid ng komprehensibong ulat ang mga Radyo Patrol reporters.

Noong 1988 hanggang 1989 ay hindi rin nagpahuli sa balita ang mga Radyo Patrol reporters nang kanilang sundan ang sari-saring pangyayari sa bansa tulad ng coup attempts, pananalasa ng bagyo, at ang pagkamatay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Tinutukan din ng DZMM ang malakas na lindol na yumanig sa Nueva Ecija, Baguio, Tarlac, Nueva Ecija, at Metro Manila noong 1990.

Hindi lamang mga pangyayari sa Pilipinas ang sinubaybayan ng DZMM. Inulat din nito sa mga Pilipino ang komprehensibong detalye ukol sa Gulf War.

Nobyembre ng taong 2000, inihatid ng DZMM ang "Ang Paglilitis,” na pinagkuhanan ng publiko ng impormasyon hinggil sa impeachment proceedings laban kay dating Pangulong Joseph Estrada.

Sa paglipas ng panahon, patuloy na pinatunayan ng Radyo Patrol reporters na nangunguna sa balita ang DZMM nang magkaroon ng eksklusibong ulat si Alvin Elchico tungkol sa Oakwood Mutiny noong 2003, habang si Anthony Taberna naman ang unang tagapagbalita na nakapag-ere ng parte ng kontrobersyal na “Hello, Garci” tape noong 2005.

Nagkaroon din ng espesyal na pag-uulat ang DZMM nang mamatay si dating Pangulong Corazon Aquino. Sinundan ng DZMM ang mga pangyayari mula sa paghayag ni noon ay Sen. Benigno Aquino III na patay na ang kanilang ina hanggang sa mailibing ito sa Manila Memorial Park sa Parañaque.

Hindi rin nagpatinag sa panahon ng bagyo ang DZMM sa paghahatid ng balita. Nakabantay ito at patuloy na nag-ulat sa panahon ng bagyong ‘Ondoy’ noong 2009 na nanalasa sa Metro Manila at iba pang parte ng Luzon. Nagtagal ang coverage hanggang sa pagpasok ng bagyong ‘Pepeng.’

Ilang bahagi lamang ito ng kasaysayan na binantayan ng DZMM sa loob ng tatlong dekada, at sa paglipas ng panahon, patuloy pa ring magbabantay ang DZMM.

Una sa Public Service

Bukod sa balita, hatid ng DZMM ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.

Taong 1987, naglunsad ang DZMM ng kauna-unahang libreng medical at dental mission na nakatulong sa higit 200 nangangailangan.

Sinimulan din ang “Aksyon Ngayon” noong 1991. Ito ang kauna-unahang public service program ng DZMM.

Taong 1999, nagkaroon ng unang AM radio-sponsored fun run, ang “Run For Your Heart”. Pinangalanan itong "Takbo Para Sa Kalikasan" noong taong 2000.

Nagkaroon din ng programang “Opinyon Ko, Pakinggan Mo” ang DZMM noong 1999 na nag-ere ng opinyon ng publiko hinggil sa maiinit na isyu.

Nagsagawa rin noong 2003 ang DZMM ng "Buntis Congress" na naglalayong itaguyod ang ligtas na pagbubuntis sa National Capital Region.

Pinahahalagahan din ng DZMM ang mga bayani ng komunidad kaya naglunsad ito ng "Natatanging Kapamilya Awards" noong 2006 na nagbibigay pagkilala sa nasabing mga bayani.

Bukod sa balita noong panahon ng bagyong ‘Ondoy’ at ‘Pepeng’, inihatid din ng DZMM sa tulong ng ABS-CBN Foundation ang public service program na "Kapamilya Shower Na!" mobile shower project.

Noong taong 2012 naman inilunsad ang programang ‘Red Alert’ upang tulungan ang publiko na maghanda sa panahon ng kalamidad at sakuna. Kaugnay nito, nagkaroon din ng 'Alert U,' isang patimpalak at 'Red Alert Emergency Expo.'

Tatlong Dekada

Patuloy ang pag-unlad ng teknolohiya sa loob ng tatlong dekada. Kaya naman, ang DZMM, hindi lamang nanatili sa radyo. Ginamit na rin nito ang text messaging, telebisyon, at online upang mas mapalapit ang balita at public service sa publiko.

Taong 2001 nang gamitin ng DZMM ang text messaging upang makapag-ulat din ang mga tagapakinig ng balita sa himpilan. Ito ay tinawag na ‘DZMM TxtPatrol’. Bukod sa maghatid ng balita ay maaari ring magpadala ng pagbati at reaksyon sa mga isyu ang mga nakikinig.

Sa kaparehong taon, narating na ng balita at programa ng DZMM ang buong mundo matapos maisama sa programming ng The Filipino Channel (TFC).

Mula taong 2007, hindi na lamang naririnig ang DZMM sa radyo kundi maaari na ring mapanood sa telebisyon kasabay ng paglunsad ng DZMM TeleRadyo sa Skycable Channel 22.

Oktubre ng taon ding 2007, gumamit ang TeleRadyo ng 3G technology sa pagsubaybay sa Glorietta bombing. Sa pamamagitan nito ay nakatanggap ang himpilan ng video feeds na ginamit din sa ABS-CBN Channel 2 at ANC.

Dahil laganap na ang Internet noong taong 2008, inilunsad ang opisyal na website ng DZMM, ang www.dzmm.com.ph.

Malayo na ang narating ng DZMM sa loob ng tatlong dekada at tulad nga ng linya sa bagong station ID ng DZMM, "Ito ay dahil sa inyo, Pilipino."

Read More:

dzmm

|

dzmm top

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.