PatrolPH

2 suspek sa online sexual abuse ng menor de edad, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2023 10:24 PM

PNP-ACG-PIO
Timbog ang dalawang lalakie sa Tarlac City matapos umano silang masangkot sa online sexual abuse ng menor de edad. PNP-ACG-PIO

Nasakote ng mga awtoridad nitong Huwebes ng madaling araw ang dalawang lalaking sangkot umano sa pambibiktima online sa isang menor de edad.

Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 2 suspek pasado alas-12 ng madaling araw sa isang convenience store sa Moncada, Tarlac City.

Sangkot umano ang dalawa sa online sexual abuse at exploitation ng isang menor de edad, ayon sa mga awtoridad.

Isinagawa umano ang entrapment operation matapos idulog ng magulang ng biktima ang abusong natanggap nito mula sa dalawang suspek.

Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na pinipilit ng mga suspek ang biktima na magbigay ng mga maseselang retrato at video.

"Out of fear, the victim complied each time they made such demands. However, when the victim refused to send any more content, one of the suspects created a Facebook account and publicly posted her sensitive pictures online," ayon sa press release ng PNP-ACG.

Matapos i-post ang kaniyang maseselang retrato, namilit umanong makipagkita ang suspek sa biktima para umano burahin ang mga naipost na bidyo at larawan.

Pansamantalang nakakulong sa Moncada Municipal Police Station ang dalawang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 11930 (Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children; at Anti-Child Sexual Abuse and Exploitation Material), Article 286 (Grave Coercion), at Article 294 (Robbery Extortion) ng Revised Penal Code of the Philippines.

Papatong pa dito ang paglabag rin nila sa Republic Act 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Law, at Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Nanawagan naman si Police Brig. Gen. Sidney Hernia ng PNP-ACG na idulog agad sa mga awtoridad ang ganitong mga kaso para maagapan ang paglala nito.

RELATED VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.