MAYNILA (UPDATE) - Arestado ang isang lalaki matapos mag-amok at mag-udyok ng habulan ng kotse sa siyudad na ito, umaga ng Martes.
Kinilala ang suspek na si Arvin Tan, na noong 2017 ay nakuhanan din ng video habang nag-aamok sa Manila Police District Headquarters at nagtangkang tumakas sakay ang isang itim na kotse nang arestuhin ng mga pulis.
Ayon sa Quezon City Police District, nag-check in ang suspek sa isang motel sa Timog Avenue nitong Martes.
Pero nang magche-check out ay hinanap nito ang manager ng motel at humingi ng P20,000.
"Nung palabas na siya, hinahanap itong manager natin. At nu'ng magkita, humingi ng P20,000. Imbis na magbayad ay nanghingi pa siya ng pera," ani QCPD Station 10 chief Lt. Col. Alex Alberto III.
Nagtaka ang manager, kaya humingi siya ng tulong sa pulis. Pero sa halip na magpaaresto ay sinubukan pang banggain ng suspek ang kotse ng pulis.
Nanghingi ng back-up ang mga pulis sa MMDA na sinubukang harangin ang suspek sa EDSA Timog.
Kuwento ng dalawang traffic enforcer ng MMDA na naharang pa nila si Tan habang pabalik sa kanilang traffic base sa lugar.
Pero nakatakas din si Tan.
"'Yung isang kotse sa unahan niya ang ginawa niya para hindi siya mahuli binunggo niya, tinulak niya nang ganu'n! Tinulak niya 'yung ano hanggang sa makalusot siya," ayon sa isa sa mga traffic enforcer.
Nakalusot ito hanggang sa East Avenue, kung saan binangga pa ang sasakyan ng flight stewardess na si Janina Daza.
Nag-counterflow ang suspek sa bahagi ng Blumentritt sa España Boulevard sa Maynila, at binangga ang traysikel ni Michael Donyego.
Nagkahabulan ang suspek at pulis hanggang sa umabot ang mga ito sa Morayta sa Maynila, kung saan hinarang ng mga awtoridad ang suspek.
May pulis na nasugatan sa insidente matapos mabaril ang sarili habang tinatangkang butasin ang gulong ng suspek gamit ng kaniyang baril.
Sabi ng QCPD, iimbestigahan nila kung ano ang nag-udyok sa suspek na gawin ito.
Kakasuhan ng estafa, disobedience, resisting arrest, at reckless imprudence resulting in physical injury and multiple damage to property si Tan.
-- May ulat nina Zyann Ambrosio at Zandro Ochona, ABS-CBN News
MULA SA ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Maynila, Quezon City, motel, car chase, Morayta, Manila, metro news, Arvin Tan, TV Patrol, Zyann Ambrosio, Zandro Ochona