PatrolPH

Lalaking nag-amok at nanagasa, nagpakilalang taga-DILG, may PSG car sticker

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2017 10:50 PM

Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang lalaking nag-amok at nanagasa sa mga pulis at miyembro ng media sa loob ng Manila Police District (MPD) Headquarters nitong Miyerkoles, Setyembre 20.

Nagsimula ang gulo nang biglang pumasok ang lalaki sa loob ng Homicide Division ng MPD sa gitna ng isinasagawang panayam ng media sa MPD headquarters.

Nagpakilala siyang si Arvin Tan na empleyado umano ng gobyerno.

Hiningi niya ang ID ng mga miyembro ng media at sinabi pang peke ang mga ito.

Pero umalis si Tan nang sitahin ng mga pulis.

Sinundan siya ng media hanggang sa kaniyang sasakyan at maayos na kinausap ng mga pulis, pero bigla na lamang siyang nagmura at nag-amok.

Nagpatuloy ang pakikipagtalo ni Tan sa mga pulis at nagawa pang maglabas at magsindi ng sigarilyo.

Doon na siya binalaan ng mga pulis pero nagmatigas pa rin siya, saka napilitang hilahin si Tan ng mga pulis palabas ng kaniyang kotse.

Pero bigla niyang pinaharurot ang kaniyang kotse at nasagasaan ang ilang miyembro ng media.

Nabangga rin niya ang mga sasakyang nakaparada sa lugar, pati na ang gate ng MPD headquarters.

Sinubukang habulin ng mga pulis at media si Tan pero hindi na siya naabutan.

Huling nakita si Tan sa Lambingan bridge papuntang Kalentong, Maynila.

Pero kinalaunan, naaresto rin si Tan sa kaniyang bahay sa New Manila kung saan narekober ang kaniyang itim na sasakyan.

Putok ang gulong ng sasakyan, may mga gasgas at may tama ng bala sa salamin.

Tinamaan sa likuran si Tan matapos siyang paputukan ng mga pulis.

Kaya't dinala siya sa Ospital ng Maynila upang ipagamot at operahan.

Ayon kay MPD spokesperson Erwin Margarejo, nagpakita ng ID si Tan at sinabing miyembro umano siya ng Department of Interior and Local Government (DILG) at may sticker pa ng Presidential Security Group bagama't kukumpirmahin pa ito ng MPD.

Ayon kay Chief Inspector Joey De Ocampo ng MPD-General Assignment and Investigation Section, may iniinom na gamot si Tan ayon na rin sa kanyang pamilya, pero itinigil niya ang gamot ilang araw na ang nakararaan.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Tan, pero tila wala siya sa sarili nang isasailalim na sa booking process.

Ayon sa pulisya, narekober din ang ilang drug paraphernalia sa bahay ni Tan.

Hinimok din ng MPD ang mga miyembro ng media at iba pang nadamay sa pag-aamok ng lalaki na magsampa ng reklamo.

Nakakulong ngayon sa MPD si Tan na nahaharap sa patong-patong na reklamong malicious mischief, direct assault, resistance and disobedience to lawful authority, grave threat, alarm and scandal, unjust vexation at reckless imprudence resulting in damage to property.

-- Ulat nina Bianca Dava, Angel Movido at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.