Barangay sa Zamboanga nagsagawa ng cleanup drive kontra lamok

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2019 05:05 PM

Maging mga lugar na may stagnant water na maaaring pamugaran ng mga lamok ay tinungo ng mga tauhan ng Barangay Tetuan sa Zamboanga City. Chrisel Almonia, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Dala ang mga gamit panlinis, nagtulungan ang ilang tauhan ng Barangay Tetuan at ang Zamboanga City High School Main Sabado para linisin ang likuran ng mga school building na pinamumugaran ng lamok at may kalat na mga basura.

Ito'y upang maiwasan ang pagdami pa ng kaso ng dengue sa lugar.

Isa ang naturang paaralan sa Zamboanga City na nagsuspinde ng klase noong nakaraang araw matapos lumabas ang napakaraming lamok at pumunta sa mga dingding ng classrooms. Ilang estudyante ang nakagat ng mga ito.

Ayon sa focal person ng disaster risk reduction and management body ng eskuwelahan na si Jack Enriquez, hindi sapat ang fumigation upang mapatay ang mga lamok. Kailangan umanong hanapin ang breeding place ng mga ito at puksain.

Matapos maglinis sa eskuwelahan, nagtungo naman ang mga tauhan ng barangay sa mga karatig na lugar kung saan may stagnant water gaya ng mga canal.

Ayon sa barangay chairman ng Tetuan na si Waldo Atilano, kabilang sa Top 10 ang kanilang barangay sa buong lungsod na may mataas na kaso ng dengue sa taong ito kaya lalo pa nilang paiigtingin ang clean-up campaign at search and destroy operations.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.