'Malungkot na araw': Aragones napaluha sa pagbasura sa hiling na prangkisa ng ABS-CBN

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 08:19 PM | Updated as of Jul 10 2020 09:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Hindi man naging matagumpay ang hiling na pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, nanindigan si Laguna 3rd District Rep. Sol Aragones na ginawa nila ang lahat para dito. 

“Sa anumang bagay na ipinaglalaban natin, ang mahalaga ibinigay nating lahat, ang mahalaga lahat ng puwede nating gawin ay ginawa natin. Pero kung ito ay hindi naipagkaloob sa pagkakataong ito ay tingin ko kailangan natin tanggapin. Mahirap man mag-move on pero importante 'yung ginawa natin 'yung best natin,” pahayag ni Aragones sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo. 

Sa kabila ng ilang pagdinig at paglilinaw mismo ng mga ahensiya ng pamahalaan laban sa mga isyung ibinato sa Kapamilya network ibasura ang ang prangkisa ng ABS-CBN sa botong 70-11. 

Kabilang si Aragones sa 11 bumoto para bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. 

“Malungkot po ang araw na ito,” sabi ni Aragones na di napigil ang pagluha sa network na tinawag niyang ikalawang tahanan sa loob ng 13 taon. 

“Thirteen years ako sa ABS-CBN at naghanapbuhay pero sabi ko nga hindi na ito ang kuwento ko, kuwento na ng mga manggagawa ng ABS-CBN na umaasa sa kanilang trabaho sa ABS-CBN at manonood nito,” sabi niya. 

Pinasalamatan din ni Aragones ang kapuwa niya principal authors sa franchise ng ABS-CBN. 

“Yung mga principal author talagang ipinahayag kung bakit kinakailangan ng bill na ito na ma-renew ang franchise ng ABS-CBN. Ito po ay para doon sa manggagagawa natin, para sa pagpapatuloy sana sa serbisyo ng ABS-CBN at para sa milyon-milyong manonood ng estasyon,” sabi niya. 

Dagdag niya: “Gusto ko na lang tingnan doon sa angulo na naipakita natin ito at nagpapasalamat tayo sa lahat ng authors na nakasama natin dito.” 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.