PatrolPH

'Kalituhan sa EDSA bus lanes bunga ng kulang na concrete barriers, istasyon'

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 08:33 PM | Updated as of Jul 09 2020 10:16 PM

MAYNILA - Aminado ang isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority na kinakailangang mabuo ang kanilang itinatayong mga panibagong istasyon at malagyan pa ito ng mga concrete barrier para mawala ang kalituhan ng mga bus driver at pasahero sa bagong loading at unloading zones sa EDSA. 

Ayon kay EDSA Traffic chief Bong Nebrija, importante ang barriers para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga sasakay at bababang pasahero. 

“We received our orders because the demand is already there based on the current situation… We need to provide services to the commuters. We are operating on limited operations sa EDSA carousel route kasi nga hindi pa kompleto ang infrastructure,” ani Nebrija. 

Hinihintay pa aniya ang mga ito para mawala ang kalituhan ng mga pasahero. 

Maaalalang inilagay ang mga bus lane sa kaliwang bahagi ng mga kalsada ng EDSA ngayong limitado ang pampublikong transportasyon dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Bagay ito na nagdulot ng kalituhan dahil sanay magbaba ng pasahero sa kanang bahagi ng sasakyan ang mga bus. 

Nagkalituhan din dahil hindi pa tapos ang mga binubuong istasyon at kulang pa ang mga concrete barrier na ilalatag sa kabuuan ng EDSA. 

Kinlaro din ni Nebrija kung saan maaaring magsakay at magbaba ang mga bus. 

“From Monumento up to Scout Borromeo pwede ka na sa kanan magbaba at magsakay. Papasok ka sa barricade, sasakay at bababa ka sa apat na istasyon. After ng Buendia balik ka sa kanan after PITX…. It will cause delay yes, but we cannot allow them to stay in the median lane kasi wala pang barricade eh. 

Ngayon, hindi pa rin kampante ang ilang pasahero dahil sa kakulangan ng mga barrier sa mga gumagana nang loading at unloading bays. 

Sa kuha ng isang netizen sa Guadalupe Station, nasa gitna ng bay ang mga pasaherong bumaba at sasakay habang nakaantabay na ang mga paparating na mga bus. 

Magtatalaga naman daw ng mga enforcer ang MMDA sa mga station para hindi maararo ng mga bus ang mga pasahero. 

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.