Kumain sandali: Ina ng batang iniwan sa kotse, dumepensa | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Kumain sandali: Ina ng batang iniwan sa kotse, dumepensa

Kumain sandali: Ina ng batang iniwan sa kotse, dumepensa

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 17, 2019 06:13 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dumepensa ang ina ng batang tampok sa viral video na iniwan umano sa loob ng sasakyang nakaparada sa labas ng isang bar sa Pasig City.

Sa social media, ipinaliwanag ng ina na iniwan niya ang anak dahil kumain siya sa isang restoran.

"May-ari 'yong husband ko ng resto[ran]... kumain ako sandali. Nakita pa nga ako ng guard," sabi ng ina.

Nagalit daw ang ina sa banta ni Jasper Pascual, ang lalaking kumuha ng video, na babasagin ang sasakyan.

ADVERTISEMENT

"Nagalit ako dahil nagmumura 'yong lalaki[ng] lasing na kumuha ng video dahil babasagin niya 'yong sasakyan. Actually naka-open ang window at ang sasakyan hindi naka-lock," anang ina.

"Walang magulang na gustong patayin ang anak," dagdag ng ina.

Sa video na kuha noong madaling araw ng Linggo ni Pascual, makikita ang pag-iyak ng batang may edad dalawa hanggang tatlong taong gulang habang nasa loob ng kotse.

Maririnig din sa video si Pascual na nagsasabing iniisip niyang basagin ang bintana ng sasakyan para mailabas ang bata pero dulot lang umano ito ng pagkataranta. Naisip naman daw niya ang posibilidad na matamaan at masaktan ang bata.

Bagaman may maliit na siwang sa bintana, nakapatay naman ang makina kaya minabuti ni Pascual na humingi ng tulong sa guwardiya, kuwento ni Pascual.

ADVERTISEMENT

Nasa 10 minuto aniya ang pagitan mula nang madiskubre ang bata sa loob ng sasakyan at nang makahingi ng tulong si Pascual pero posible umanong mas matagal pang nasa loob ng sasakyan ang bata.

Ayon naman sa guwardiya, dalawang beses na niyang tinawag ang magulang ng bata.

"'Yong unang kostumer nga, 'yon nga ang nagsabi sa'kin, doon, tinawagan ako ng kasamahan ko sa radyo na mayroon daw batang umiiyak," kuwento ng guwardiya.

"'Yong unang ano niya, 'di ko alam na dinala n'ya, 'yon pala iniwanan niya uli," aniya.

Hindi na nakuhanan ng video ang pagdating ng ina ng bata pero sa halip na pasalamatan ang mga nag-alerto sa kaniya tungkol sa anak, pinagalitan pa raw niya ang guwardiya.

ADVERTISEMENT

'NEGLECT'

Labis namang nadismaya si Social Welfare acting Secretary Virginia Orogo sa nangyari.

Matapos mapanood ang video, agad niyang ipinag-utos sa mga social worker na hanapin ang mga magulang ng bata para makausap.

Ayon kay Orogo, posibleng makasuhan ang mga magulang ng bata kung mapatutunayang may pagkukulang sila.

"That is neglect and neglect, eh nasaktan ang bata, may abuse na agad doon," ani Orogo.

"Puwede po naming kunin 'yong bata until such period of time," dagdag niya.

ADVERTISEMENT

Umaasa rin si Orogo na dahil sa nangyari, mas magiging maingat ang mga magulang at hindi na iiwanan ang kanilang mga anak sa sasakyan.

Maaari kasi umanong ma-suffocate at mamatay ang mga bata kapag naiwan at hindi nakalabas ng sasakyan.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.