6.5 magnitude na lindol, yumanig sa Leyte | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

6.5 magnitude na lindol, yumanig sa Leyte

6.5 magnitude na lindol, yumanig sa Leyte

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 06, 2017 07:06 PM PHT

Clipboard

Lindol dahil sa paggalaw ng PH fault zone, sabi ng Phivolcs; gusali gumuho: higit 10 sugatan

Tumama ang 6.5 magnitude na lindol sa timong kanlurang bahagi ng Jaro, Leyte, Huwebes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Inaasahang magkakaroon ng aftershocks at mga sira sa mga apektadong lugar.

Nasa 8 kilometro mula Jaro, Leyte ang lindol sa lalim na 2 kilometro.

Naramdaman ang mga intensity na ito sa mga sumusunod na lugar:

ADVERTISEMENT

Intensity V - Tacloban City; Palo, Leyte; Cebu City
Intensity IV - Tolosa, Leyte; Sagay City, Negros Occidental; Burgos, Surigao del Norte
Intensity III - Bogo City, Cebu; Calatrava, Negros Occidental
Intensity II - Libjo, San Jose, Cagdianao, Dinagat Islands
Intensity I - Roxas City; La Carlota City; Negros Occidental

Higit 10 ang sugatan sa pagguho ng isang tatlong palapag na gusali sa sentro ng bayan ng Kananga, Leyte dahil sa kagaganap lang na lindol ngayong Huwebes ng hapon, ayon sa isang opisyal ng Leyte.

Kasalukuyan namang sinasagip ang mga taong naipit sa loob ng gusali.

"Ongoing ang rescue namin ngayon... Based sa report on the ground, more than 10, na-injure. Marami pa doon sa loob," ayon kay Vice Mayor Elmer Codilla ng Kananga, Leyte.

Pinakamalakas namang naramdaman ang lindol umano sa Ormoc at Kananga.

Gumuho naman ang isang grocery store sa bayan ng Kananga. Photo by Edgar Muralla, Jr.

"Ang provincial engineering office ay nagpadala na ng mga heavy equipment natin na madaanan lang muna ang mga kalsada," ayon kay Leyte Gov. Dominic Petilla.

Mga sibilyan, nataranta, nasugatan; mga paaralan at kalsada, may sira

Ilang empleyado ng Department of Education- Cebu City Division ang lumabas ng kanilang opisina matapos ang lindol. Photo by Carine Lapid, ABS-CBN News

May 16 katao na ang dinala sa ospital sa Ormoc dahil sa natamong pinsala at shock dulot ng lindol, ayon kay Ormoc Mayor Richard Gomez.

"Meron na ring mga medyo na-traumatize sa lakas ng lindol. May report sa amin na sa isang lugar na naputol na paa kasi nabagsakan... Total number of patients, 26. 'Yung dinala namin sa hospital, 16 persons na. Dito sa command post meron kaming inaalagaan na 13 pasyente... Karamihan, mga na-shock dahil sa lakas ng lindol," ayon kay Gomez.

Dinala palabas ng ospital ang mga pasyente sa Ormoc Sugarcane Planters Association hospital matapos ang lindol. Photo courtesy of Rico Lucena

Sinugod sa quadrangle ang ilang estudyante ng University of San Jose Recoletos sa Cebu matapos ang lindol. Photo courtesy of Philip Lapinid IV

Dagdag pa niya, ilang silid-paaralan at mga highway ang mayroong bitak, samantalang ilang kalsada naman ang nakaranas ng pagguho ng lupa.

"May mga classrooms na na-damage doon sa bandang bundok side. May konting crack sa major highways pero passable naman. May 2 roads sa bundok rin na merong landslides, sarado yung kalsada..." aniya.

Kinansela na rin ang mga klase sa Ormoc bukas ng Biyernes upang inspeksiyunin kung ligtas pa ba ang mga gusali sa lungsod.

Kuryente sa Leyte, naputol

Agad namang nawalan ng kuryente sa Leyte dahil awtomatikong nagsasara ang Malitbog Geothermal Power Station sa Kananga, Leyte kapag may lindol, ayon kay Leyte Gov. Dominic Petilla.

Ang nasabing powerplant ang pinakamalaking nagpo-produce ng geothermal energy sa bansa, at ang pinagmumulan ng kuryente sa Visayas.

Kasalukuyang hindi pa rin naibabalik ang kuryente sa Tacloban at Leyte.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.