PatrolPH

Hepe, 19 pulis sa Rizal sibak kasunod ng pagkamatay ng bata sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 10:02 AM | Updated as of Jul 04 2019 10:12 AM

Watch more on iWantTFC

Tinanggal na sa puwesto ang hepe at 19 iba pang pulis ng Rodriguez, Rizal simula noong Miyerkoles, ayon kay Calabarzon Police Regional Director Eduardo Carranza. 

Tanggal muna sa puwesto ang hepe na si Police Col. Resty Damaso, at ang 13 niyang tauhan, at 6 na personnel ng intelligence unit ng Rizal Provincial Police. Kasunod ito ng pagkamatay ng isang 3 taong gulang na anak ng drug suspek na target ng buy-bust operation sa lugar. 

Inilagay muna ang mga pulisya sa personnel and holding accounting unit habang gumugulong ang imbestigasyon. 

Binawi rin ang kanilang firearms para isailalim ito sa ballistics exam at matukoy kung sino ang bumaril sa bata. 

Maaalalang iginiit ng Rizal Provincial Police na pinantakip ng ama ng bata na si Renato Ulpina o alyas Kato ang paslit bago sila mapaslang sa buy-bust operation sa sarili nilang bahay noong Sabado ng umaga. Tinamaan ng bala sa ulo ang bata. 

Iginiit noon ng ina ng bata na si alyas "Lisa" na natutulog sila nang mangyari ang insidente at hindi pinangsangga ni Ulpina ang bata. 

Pinaiimbestigahan din ni Philippine National Police chief Oscar Albayalde ang insidente para masilip kung may pagkukulang ang pulisya. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.