Humingi ng tulong sa Department of Labor and Employment ang Yazaki-Torres Manufacturing Inc (YTMI) para sa paghahanap ng dagdag na 1,500 na manggagawang susuporta sa kanilang operasyon.
MAYNILA - Nasa 1,500 trabaho ang naghihintay sa mga manggagawang naapektuhan ng pandemya sa isang manufacturing company na naka-base sa Laguna, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado.
Ayon sa DOLE, kailangan ng Yazaki-Torres Manufacturing Inc. (YTMI) ang nasabing bilang ng manggagawa para suportahan ang kanilang operasyon.
Humiling umano ng tulong ang kumpanya kay Labor Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay, na siya ding direktor ng Bureau of Local Employment, para tulungan silang maipaabot ang oportunidad sa mga manggagawang Pilipino na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Ang YTMI ang pinakamalaking tagagawa ng wiring harness sa Pilipinas at nangungunang exporter ng automotive parts sa bansa.
Nagpasalamat naman ang kagawaran sa YTMI sa kanilang inisyatibo at muling pinaalala ang kahalagahan ng pagtutulungan para tuloy-tuloy ang pagbangon ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Kailangang magkaroon pa tayo ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor para patuloy na gumanda ang merkado ng paggawa at bumaba ang bilang ng walang trabaho,” sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Sa mga nais mag-apply sa bakanteng trabaho sa YTMI, magpadala ng kanilang resumé kung saan nakasaad ang kanilang messenger account at contact details sa ‘YTMI Hiring’ sa Facebook Messenger o sa mga sumusunod na email address:
- ytmirecruitment@gmail.com
- j.rubio@khmpc.com.ph
- june.belen2017@yahoo.com
DOLE, employment, trabaho, job hiring, job opportunities, manufacturing company