Alkalde sa Samar, 19 iba pa, nasagip mula sa lumubog na bangka

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 02:21 PM

Nailigtas lahat ng pasahero ng lumubog na bangka sa Calbayog City. Larawan mula sa Philippine Coast Guard, Calbayog, Samar Station

Kasama ang alkalde ng bayan ng Almagro sa Samar sa 20 pasaherong nailigtas mula sa lumubog na bangka malapit sa Calbayog City, Biyernes ng hapon.

Ayon sa inisyal na report mula sa Philippine Coast Guard Calbayog, Samar Station, nangyari ang insidente bandang alas-tres ng hapon.

Kabilang sa grupo ni Mayor Amelia Cano ang ilang opisyal ng bayan at kanilang mga pamilya.

Pauwi na sana sila sa Almagro mula sa Calbayog City kung saan sinaksihan nila ang panunumpa ng ilang opisyal ng lungsod.

Bukod sa kanila, sakay din ng bangka ang 6 nitong pahinante.

Napag-alamang lumubog ang kanilang bangka matapos na hampasin ng malaking alon.

Agad naman nagsagawa ng rescue operation ang PCG kaya't mabilis silang nailigtas. 


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.