2 arestado sa pagbebenta ng isdang huli sa dinamita

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 12:38 PM

Ang isdang huli sa blast fishing ay ipinagbabawal sa ilalim ng Fisheries Code. Larawan mula sa PNP Maritime Group, Ilocos Norte

SAN NICOLAS, Ilocos Norte – Arestado ang dalawang tindero na nagbebenta ng isdang hinuli gamit ang dinamita sa San Nicolas Public Market sa Ilocos Norte.

Huwebes nang hulihin ng mga pulis ang mga suspek kung saan nakumpiska sa kanila ang 64 kilo ng isda.

“Information na some vendors ay selling fish na dynamite, they conduct test buy, bibili sila ng isda and then discreetly they test the fish na kinuha with the BFAR (Bureau of Fisheries and Aquatic Resources),” sabi ni Police Major Paul Benedict Parado.

Tumanggi humarap sa kamera ang mga suspek pero iginiit nilang hindi nila alam na huli sa dinamita ang ibinebentang isda.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, wala namang epekto kapag nakakain ng nadinamitang isda. Wala naman daw halong lason at kadalasan namamatay lang ang isda dahil sa pagkabingi dahil sa malakas na tunog dulot ng pagsabog.

Haharap sa kasong paglabag ng Republic Act 10654 o Fisheries Law o ang pagbabawal sa iligal na paghuli at pagbenta ng mga isda ang mga suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.